Mga peligro ng traffic enforcers

HUMINGI na ng tawad ang mag-asawang nasa viral video kung saan nakipagtalo nang husto sa MMDA. Wala sa tamang paradahan umano ang sasakyan ng drayber na babae, na lumabas ay public prosecutor ng DOJ pala. Lumabas umano ang babae nang wala pang limang minuto, kaya nakipagtalo nang husto sa mga MMDA traffic enforcers, lalo na’t hahatakin na sana ang sasakyan. Nang iurong ang sasakyan, tumama pa umano sa motorsiklo ng isang traffic enforcer, at dinuduro-duro pa na umiyak na.

Mali nga kung nakaparada sa bawal na lugar. Pero pa­ano nga malalaman ng drayber kung nakalabas nga siya bago mag limang minuto o lampas na bago hatakin? Tama na ginagawa lang ng MMDA ang kanilang tungkulin, pero hindi rin sana kinukuyog ang sibilyan, lalo na kung hindi naman pisikal na nananakit o armado. Kung sino ang nanghuli, siya lang dapat ang makiusap sa nagkamaling drayber. Kapag kinukuyog na ay natural na ilalagay rin ang sarili sa depensa. Ganun pa man, dapat tinanggap na lang ang tiket para sa illegal parking, at bayaran ang multa. Tapos na sana ang kuwento roon. Ito ang hikayat ng MMDA kapag nahuhuli na ng mga enforcers. Itutuloy pa rin ng MMDA ang mga kasong isasampa laban sa prosekyutor, na may basbas na rin ng DOJ. Ang P200 multa lang sana ay lalaki na nang husto, baka pati hanapbuhay niya ay maapektuhan. Sino kaya ang iiyak ngayon?

Iba naman ang kuwento sa isang kanto sa Makati. Pinatabi ng mga bantay bayan ang itim at puting sasak­yan, dahil tumuloy pa rin kahit pula na ang ilaw. Pero imbis na maging maayos ang usapan, bumaba ang mag-asawa mula sa itim na sasakyan at nakipagtalo sa mga bantay bayan. Bumaba rin ang mga bodyguard na nakasakay sa puting sasakyan at sinuntok ng isang bodyguard ang bantay bayan. Natural na dinepensa ang sarili sa pagbunot ng batuta at namalo sa bodyguard na nananakit sa kanya. Lahat kuha rin sa CCTV. Walang pulis na nakapresponde kaagad para tulungan ang mga bantay bayan.

Napag-alaman na may rekord na sa barangay ang mag-asawa na piniprotektahan ng mga bodyguard, dahil sa panggugulo sa kapitbahay. Eksklusibong subdivision ang tinitirahan ng mag-asawa, kaya hindi nakapasok ang news team para hingan ng komento. Sino kaya ito? Muk­hang ang tingin sa sarili ay “entitled” kaya hindi nagustuhan ang pinapara at pinatatabi, kahit may maling ginagawa sa kalsada. Ano kaya ang gagawin ng mga ito, kapag ordinar­yong sibilyan ang makaalitan sa kalsada?  

Show comments