EDITORYAL - Hindi solusyon sa trapik ang driver-only vehicles

NASA ikaanim na araw na ang dry run na nagba­bawal sa mga sasakyang iisa ang laman na dumaan sa EDSA kung rush hour (7 :00 a.m. hanggang 10 :00 a.m. at 6:00 p.m. hanggang 9:00 p.m. sinimulan ang dry run noong Lunes. Maraming motorista ang nasampolan sa unang araw at pinagsabihan lamang ng MMDA traffic enforcers. Sa susunod na linggo ay manghuhuli na umano ang MMDA at pagmumultahin ang lalabag.

Maraming tutol sa paraang ito ng MMDA para mabawasan ang volume ng mga sasakyan sa EDSA. Hindi raw ang pagbabawal sa mga sasakyang iisa ang laman o sakay ang paraan para lumuwag ang EDSA. Pati mga pulitiko ay pumalag sa paraan ng MMDA. Hindi raw dapat pagbawalan ang private citizens na gumamit ng sasakyan.

Sabi naman ng MMDA unawain sila at hayaang makita muna ang resulta. Temporary lang naman daw ito. Ganito rin ang pahayag ng Malacañang, bigyan daw ng pagkakataon ang MMDA sa ginagawang pagsasaayos ng trapiko. Maski raw sa United States ay ginagawa ito at nagtagumpay na mapaluwag ang trapiko. Marami pa raw plano ang MMDA gaya ng pagbabawal ng provincial buses sa EDSA kaya nararapat silang bigyan ng pagkakataon na maipatupad ang pagbabawal sa driver-only vehicles.

Hindi solusyon sa trapik ang pagbabawal sa sasakyang iisa ang sakay. Maaaring palubhain pa ang trapik sa mga lugar na dadaanan ng mga sasakyang bawal ang iisang sakay. Wala namang nakahandang daraanan para sa mga ito. Dahil maghahanap ng alternate route, magki-create rin sila ng trapik.

Ilang paraan na magagawa ng MMDA ay ang puspusang pagtatanggal sa mga sagabal sa daan gaya ng mga naka-park na sasakyan, tindahan, basketball court, illegal vendor at iba pang istruktura gaya ng barangay hall na itinayo sa kalsada. Tanggalin ang mga ito gaya ng direktiba ni President Duterte.

Pag-aralan din ang suhestiyon na gawing apat na raw na lamang ang pasok sa mga opisina ng bawat lungsod. I-eskedyul ang araw na walang pasok. Halimbawa sa Makati at Pasay ay walang pasok ng Lunes. Sa Quezon City at Maynila ay Martes. Naka-eskedyul lahat ang araw na walang pasok ng bayan at lungsod. Maaaring makakatulong ito kumpara sa pagbabawal na bumiyahe ng “single” sa EDSA.

Show comments