HINDI naging maganda ang weekend nating lahat dahil isang matinding unos na naman ang ating naranasan. Dumanas na naman tayo ng habagat na ayon sa mga eksperto ay halos kaparehas daw ng bagyong “Ondoy”. Tulad ng dati, malaking pinsala ang iniwan sa atin ng habagat. Maraming lugar ang lumubog sa baha at may mga probinsiya ring nakaranas ng landslide. Ayan na naniningil na ang kalikasan ibinalik sa atin ang mga basurang itinapon natin. Sa ating mga bundok na walang habas nating pinutol ang mga puno na dapat sana’y pumuprotekta rito.
Ang problema ngayon ay ang paglilimas sa mga tahanang inabot ng baha, mabuti sana kung tubig lang ang na stock sa mga lugar, ang mahirap ay tubig, putik at basura ang kailangan nating tanggalin. Nakakarimarim tingnan ang basurang inanod sa Manila Bay. Hindi ko akalaing hanggang ngayon ay wala pa rin tayong kadala-dala sa pagtatapon ng ating mga basura. Kung wala pa rin paghihigpit na gagawin ang mga LGU at barangay tungkol sa basura ay baka hindi lang ganyang baha ang ating daranasin pagdating ng panahon. Hindi ba kayo natatakot na ang basura ay may kaakibat na sakit na nakukuha? Andiyan ang leptospirosis. Hindi kaila sa ating lahat na nung mga nakaraang buwan, laganap ang sakit na yan sa mga taong binaha?
Siguro naman, may aral tayong natutunan sa nagdaang habagat. Ibig kong sabihin kung nararamdaman n’yong delikado na ang panahon, magkusa na kayong pumunta sa evacuation centers, huwag n’yo ng hintaying sunduin kayo ng mga pulis, taga-barangay at bangka upang ilikas sa inyong kinalalagyan. Iwasan nating pairalin ang katigasan ng ulo dahil buhay natin ang nakasalalay dito. Baka pag may hindi magandang mangyari sa inyo ay sisihin n’yo ang gobyerno.