(Unang bahagi)
SA Art. 247 ng Revised Penal Code, ang isang lalaki o babae na mahuhuli ang asawa sa aktong nakikipagtalik sa iba at mapatay ang isa o ang magkalaguyo o kaya ay malubhang masusugatan ang mga taksil, parurusahan lang ng destierro. Ibig sabihin, hindi siya papayagan na makalapit sa kanyang asawa o makapasok sa lugar na babanggitin sa kaso mula 250 hanggang hindi bababa sa 25 kilometro. Kailan magagamit ang batas na ito? Uubra ba ito kung napagkamalan lang na asawa ang biktima? Ito ang sasagutin sa kaso nina Danny at Delia.
Labingtatlong taon nang kasal sina Danny at Delia. Nagkaroon pa sila ng dalawang anak pero sa kabila nito ay masalimuot ang kanilang pagsasama at wala silang pagmamahal sa isa’t isa. Sa katunayan ay kinumpirma pa mismo ni Delia ang matagal na hinala ni Danny na may iba siyang mahal at mas gusto pa niyang sumama sa kalaguyong si Val. Kaya gumawa ng kasulatan si Danny na pumapayag sila pareho na bumukod ng tirahan at humanap ng karelasyon na makakasama nila sa buhay. Dapat ay pareho silang pipirma pero si Danny lang ang lumagda sa dokumento. Tuluyang naghiwalay ang dalawa. Paminsan-minsan ay dumadalaw si Delia sa pakiusap ni Danny o kaya ay ng mga bata pero hindi na sila muling nagkabalikan.
Isang buwan pagkatapos nilang maghiwalay, nagpaalam si Delia na pupunta kunwari sa Maynila pero ang totoo, sa kabilang bayan lang siya pumunta para hanapin ang kalaguyong si Val sa tulong ng kamag-anak na si Sylvia. Nang hindi makita si Val, pansamantalang nakituloy si Delia sa bahay nina Mando at Rita na bagong kasal. Dito ay madalas may nakikitang lalaki na dumadalaw at lumalabas kasama ni Delia.
Matapos ang isang linggo, nalaman ni Danny na nasa kalapit na bayan lamang si Delia sa pamamagitan ng sulat na ipinadala ng isang taong hindi nagpakilala. Nakalagay din sa sulat ang eksaktong address ni Delia. Kaya, kasama ang kaibigang si Larry, pumunta si Danny sa nasabing lugar na armado ng baril. Dumating sila bandang alas dos ng madaling araw. Nang mahanap ang address, dumaan si Danny sa bintana at pinasok ang kuwarto nina Mando at Rita na mahimbing na natutulog sa kanilang kama. Walang anumang binaril niya ang dalawa sa pag-aakalang si Delia at ang kalaguyo nito ang natutulog. (Itutuloy)