EDITORYAL - Durugin para hindi mapakinabangan
MARAMING nanghihinayang sa ginawang pagwasak ng mga mamahaling sasakyan noong Lunes sa Cagayan. Kabilang sa mga winasak ang Ferraris, Lamborghinis, Porsches at Harley Davidson motorcycles na nagkakahalaga ng $5.5 milyon. Buldoser ang ginamit sa pagwasak para hindi na mapakinabangan. Sinaksihan mismo ni President Duterte ang pagwasak.
Sabi ng mga nanghinayang, bakit hindi na lang ini-auction ang mga mamahaling sasakyan at ang napagbentahan ay ibili ng pagkain para sa mga biktima ng kalamidad. Marami raw mapapakain ang perang mapagbebentahan ng mga sasakyan. Marami raw gutom na sikmura ang masisiyahan.
Maski si Sen. Panfilo Lacson ay tutol sa pagwasak sa mga sasakyan. Sabi ni Lacson, sa halip daw na wasakin, bakit hindi na lang i-donate sa Philippine National Police ang mga sasakyan para magamit sa police operations. Kung ang pulis daw ay nakasakay sa Porsches o Ferrari, hindi mapaghihinalaan na nagsasagawa ng surveillance o paniniktik. Sino raw ba ang mag-aakalang pulis ang nagmamaneho ng Porsches. Mako-confuse umano ang mga kriminal sa paraang iyon. Sana raw hindi winasak ang mga sasakyan.
Pero determinado si Duterte sa kanyang anti-smuggling campaign. Magpapatuloy umano ang kampanya at marami pang wawasakin para makita ng smugglers na hindi siya nagbibiro. Noong nakaraang Pebrero, 30 mamahaling sasakyan na ang sinira at sinaksihan din ng Presidente.
Tama lamang ang pagsira sa mga sasakyan para masigurong hindi na mapapakinabangan. Kung ibebenta ang mga sasakyang ito, maaaring ang makabili rin ay ang smugglers at magpapatuloy ang kanyang aktibidad. Walang katapusan ang pag-smuggled niya.
Kung ido-donate naman sa PNP gaya ng suhestiyon ni Lacson, baka ang mga corrupt na pulis lamang ang makinabang. Sa rami ng mga scalawags na pulis baka gamitin lamang sa katarantaduhan ang mga Porsches o Ferrari kapag ipinagamit sa mga ito. Lalo lang nalubog sa kumunoy ng kahihiyan ang PNP.
Tumpak lamang na wasakin ang mga mamahaling sasakyan para hindi mapakinabangan.
- Latest