EDITORYAL - May ginagawa bang solusyon sa trapik
GRABE na ang trapik sa kasalukuyan. At maitatanong kung may ginagawa pang solusyon ukol dito. Sa nakaraang State of the Nation Address (SONA) ni President Duterte, wala siyang nabanggit ukol sa perwisyong trapik na nararanasan sa Metro Manila. Nakasentro ang kanyang SONA sa giyera sa droga, rice cartel, iresponsableng pagmimina, corruption, Bangsamoro Law, at iba pa pero walang ulat ukol sa problema ng trapiko sa Metro Manila.
Hindi lamang sa EDSA mabigat ang trapik ngayon kundi sa maraming lansangan na. Sa usad-pagong na kalagayan ng trapiko, maraming oras na nasasayang at nawawalan ng bilyong piso ang bansa dahil sa problemang ito. Ayon sa pag-aaral, ang Metro Manila ay ikatlo sa mga siyudad sa Southeast Asia na grabe ang trapik. Una ang Jakarta at ikalawa ang Bangkok.
Wala ngang nabanggit ang Presidente sa kanyang nakaraang SONA ukol sa trapik. Kabaliktaran naman noong SONA 2017 na mahaba ang kanyang ulat ukol sa trapik at inatasan pa niya ang mga awtoridad na alisin ang lahat nang sagabal sa EDSA para mapaluwag ang trapik. Lahat nang obstructions ay alisin para maging maayos ang daloy ng trapiko.
Ginawa naman ng DoTr at MMDA ang utos ng Presidente. Inalis ang lahat nang inaakalang obstructions – mga naka-park na sasakyan sa kalsada, illegal stalls, carwash na nasa gitna ng kalsada, basketball court at iba pa. Pero sa simula lang ito nangyari sapagkat makaraan ang ilang linggo, muli na namang nagsibalikan ang mga tinanggal na obstructions. Walang takot na muling hinarangan ang mga kalsada. Ang resulta: lalo pang lumubha ang trapik.
Hindi dapat ningas-kugon ang pag-alis sa mga nakahambalang sa pangunahing kalsada. Kailangang gawing regular ang pag-iinspeksiyon. Nararapat din namang walisin sa kalsada ang mga kolorum na bus.
Isa pang paraan ay ang pagdadagdag ng mga kalsada, skyway at riles para mapagaan ang trapik. Kung hindi magkakaroon ng access roads, titindi pa ang mararanasang grabeng trapik sa Metro Manila at iba pang lungsod o bayan.
- Latest