Tiklo ang kidnapper

(Huling bahagi)

NANG araw ding iyon, nakatanggap si Eddie ng mga tawag sa telepono mula sa isang lalaking nagpakilalang siya si Kumander Kidlat at sinabing ang grupo nila ang kumuha kay Emily. Humingi ng ransom na P100 milyon ang grupo para sa kalayaan ni Emily. Matapos makipagtawaran, naibaba ang halagang hinihingi sa P8 milyon -- P6 milyon mula kay Eddie at P2 milyon galing naman kay Maine.

Ayon sa napagkasunduan, dinala ni Maine ang pera kasama ang personal driver ni Eddie pero hindi pa rin pinalaya si Emily. Makalipas ang ilang araw, wala na silang narinig sa mga kidnapper kaya nagkasakit at naospital si Eddie sa pag-aalala sa anak. Sa tulong ng NAKTAF, nagkaroon ng panibagong negosasyon para sa dagdag na ransom. Pumayag ang mga kidnapper sa P3-milyon.

Muli ay dinala ni Maine at isang NAKTAF agent ang pera sa napagkasunduang lugar. Matapos ang 27 araw, nakauwi sa kanyang pamilya si Emily. Isinakay siya ng mga kidnapper sa isang taxi at ipinahatid sa bahay.

Samantala, kinasuhan sa RTC sina Jimmy at dalawa pang suspek para sa kasong kidnapping with ransom na pinarurusahan sa ilalim ng Art. 267 Revised Penal Code. May 10 iba pa ang hindi nakilala at nananatiling nakaka-wala. Si Jimmy lang ang naaresto, nakadalo sa arraign-      ment at nalitis. Ang dalawang kasama niya ay nagtago at ang isa pa nga ay namatay habang nililitis ang kaso.

May 11 testigo ang iniharap ng prosekusyon sa paglilitis. Samantala, may apat na testigo naman si Jimmy na nagpatunay sa alibi niya na nasa probinsiya siya at dinada­law ang puntod ng ama. Dalawang kaibigan sa probinsiya ang nagpatunay. Ayon pa sa testimonya ni Jimmy, nang mangyari ang kidnapping ay miyembro pa siya ng Philippine Marine at closed-in-security sa isang dating Presidente.

Nahatulan pa rin ng RTC si Jimmy para sa krimen ng kidnapping with ransom at paglabag sa Art. 267 ng Revised Penal Code (as amended by RA 7659).  Hinatulan siya ng kamatayan at pinagbabayad ng danyos perwisyo. Kinatigan din ng CA ang desisyon pero binabaan ang hatol at ginawang reclusion perpetua imbes na kamatayan. Inapela pa rin ni Jimmy ang desisyon at pinagpilitan ang kanyang alibi pati na ang pagiging miyembro ng Philippine Marine nang mangyari ang krimen.

Pareho pa rin ang naging hatol ng SC at kinumpirma lamang ang desisyon ng CA. Dineklara nito na napatunayan ng prosekusyon na si Jimmy at ang grupo nito ang kumuha at nagkulong kay Emily para makahingi ng pera kapalit ng kanyang kalayaan. Hindi tinanggap ang depensa ni Jimmy dahil positibo siyang kinilala ng mga drayber. Mas nanaig ang testimonya nila kaysa pagtanggi at mga alibi ng akusado. Isa pa, hindi naman imposible na sabay niyang ginawa ang krimen ng pagkidnap at paghingi ng pera pati ang pagpunta sa probinsiya. Matalik niyang mga kaibigan ang tumestigo sa kanya kaya natural na kakampihan siya ng mga ito.

Tama rin ang naging hatol ng CA na ibaba ang parusa sa reclusion perpetua dahil sa ipinatupad na ang RA 9346  o  ang batas na nagbabawal sa parusang kamatayan (People vs. Mostrales, G.R. 184925, June 15, 2011)  

Show comments