Nasapawan

“TYRANNY of the majority”. Ito ang pahayag ni Oriental Mindoro Rep. Reynaldo Umali sa naganap na pagtanggal kay Pantaleon Alvarez bilang House Speaker at ipinalit si Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo. Nga­yon, nararamdaman na ni Umali ang nararamdaman ng mga nasa minorya noong si Alvarez ang Speaker. Dagdag pa ni Umali, maaaring ang naging away ni Alvarez at Mayor Sara Duterte ang naging dahilan kung bakit siya napalitan. Noong Pebrero ay lumabas ang away ni Alvarez at Sara Duterte nang maglikha ng hiwalay na partido si Sara na tinawag ni Alvarez na oposisyon. Hindi ito nagustuhan ni Sara at sinabing nagkamali si Alvarez ng pagpili ng kaaway na babae.

Kung si Sara Duterte nga ang nasa likod ng pagpalit kay Alvarez, sa tingin ko hindi ito ang isyu kundi sino ang ipinalit sa kanya. Bakit pa pipiliin ang pulitiko na namuno na sa bansa ng siyam na taon, na patung-patong na korapsyon at katiwalian ang akusasyon sa kanya at kanyang gabinete, pati mga opisyal ng PNP at AFP sa ilalim ng kanyang administrasyon? Kung nasa kanila na ang numero sa Kongreso, wala ba sa isangdaan walumpu’t-apat na mambabatas ang pwedeng maging House Speaker maliban kay Arroyo?

Nasapawan nga ang pangatlong SONA ni Pangulong Duterte ng pagpalit ng liderato sa Kongreso. Imbes na pakinggan ng bansa ang talumpati ni Duterte, mas ina­bangan kung ano ang mangyayari pag natapos na. Si Alvarez pa rin ang nakaupo sa posisyon ng House Speaker nang pumasok si Duterte at nagbigay ng talum­pati. Pero ang katotohanan ay wala na siyang suporta sa Kongreso. Hindi rin ako magtataka. Alam natin kung paano naging arogante rin si Alvarez sa kanyang posisyon, partikular sa minorya at oposisyon. Kung minsan nga ay parang siya na ang Pangulo ng Pilipinas. Isang dating pa­ngulo naman ngayon. Ano naman kaya ang direksyon ni Arroyo ngayong siya na ang House Speaker, at ang kampo naman ni Alvarez ang gustong maging minorya? Lahat sila miyembro ng isang partido. Sila-sila rin ba ang may hawak ng buong Kongreso?

Show comments