PINUNTAHAN namin nitong nakaraan ang mga nagreklamong mangingisda sa aming tanggapan. Nagsadya ang BITAG Investigative Team sa Tanay, Rizal para imbestigahan ang kanilang kaso.
Sa aming pakikisalamuha sa kanila, mas naintindihan namin ang kanilang sitwasyon. Literal na isang kahig, isang tuka lang ang kanilang paraan ng pamumuhay.
Ang mga malalaking isdang nahuhuli sa maghapon, ibebenta. Ang mga pangit at maliit, itatabi para pagkain ng pamilya. Mabuti nang tutuusin kung kikita sila ng 300 piso sa isang araw. Normal na ‘yon sa kanila. Kalahati ng kita nila, mapupunta pa sa ginastos na gasolina ng bangka.
Karamihan sa mga nakausap namin, lampas tatlong dekada nang nangingisda. Ang pamumuhay sa lawa at dagat ay kagawiang minana pa nila sa kanilang magulang. Mga bata’t estudyante pa lang, exposed na sila sa buhay-mangingisda.
Nangungutang kung kani-kanino at kung anu-anong financing para may pampa-aral sa mga anak. Hindi nakapagtapos ng pag-aaral at doon na umikot ang buhay -- daan-daang mga pamilyang nakasalalay sa biyayang nakukuha sa lawa.
Ang mga mangingisdang ito ay sila ring mga nakasuhan ng illegal fishing. Balisa at ‘di alam ang gagawin dahil sa posibilidad na makulong at mawalay sa pamilya. Sabi ng mga mangingisda, hindi nila magagawa ang “bintang” sa kanila. Hindi raw nila magagawang sirain ang Laguna Lake dahil ‘yan ang pinagkukunan nila ng hanapbuhay. Iniingat-ingatan talaga nila ito.
Napukaw nito ang aming pansin… na mas imbestigahan at balikan ang kalagayan ng mga mangingisda sa Laguna Lake sa pangkalahatan. Abangan!