NAG-VIRAL sa social media ang 10 paalala ng Angono police sa mga kababaihan para hindi ma-rape. Binatikos ng mga kababaihan at ng women’s group ang paalala sapagkat tila ang mga biktima ang napagbubuntunan ng sisi kaya na-rape. Umabot nang mahigit 2,000 ang mga reaksiyon sa paalala ng Angono police. Ang Number 2 at 4 tips ang labis na ikinagalit ng netizens. Ang Number 2 tips ay nagsasaad na “Huwag magsuot ng maikling damit” samantalang ang Number 4 ay “Kung makikipag-date, huwag uminom ng alak.”
Sa himig ng No. 2 at No. 4 tips ang sinisisi nila ay ang biktima dahil sa pagsusuot ng revealing na damit kaya siya nagahasa. Sa halip na ang bagsakan ng sisi ay ang nang-rape, ang babaing may maikling damit ang sinisisi. Masyadong mababaw ang katwiran ng Angono police na para makaiwas ang kababaihan sa mga posibleng paggahasa ay huwag magsusuot nang maikli.
Nakakababa naman ng moral ng kababaihan ang Number 4 tip kung saan ang paalala ay huwag iinom ng alak ang babae kapag makikipag-date para hindi magahasa. Hindi akma ang paalalang ito ng Angono police na sa halip na matuwa ang mga kababaihan ay nagalit dahil nakabababa ng pagtingin.
Sa tono ng paalala, ang sinisisi ng Angono police kaya may mga nagagahasang babae ngayon ay dahil na rin sa kilos at pananamit ng mga ito. Para bang nilalahat na nila ang kababaihan kaya masyadong naging marahas ang paalala. Maaaring ang nasa isip nila ay may mga babaing nagagahasa dahil nakipag-inuman sa boyfriend o sa barkada kaya nangyari ang insidente.
Pero nanindigan naman ang Angono police sa kanilang paalala sa mga kababaihan. Wala raw naman silang masamang intensiyon at nagpapapaalala lamang sa mga kababaihan lalo pa’t maraming nangyayaring krimen sa kasalukuyan.
Sana sa halip na magbigay ng tips ang Angono police, pag-ibayuhin na lamang ang pagbabantay sa komunidad para mapigilan ang krimen lalo na ang pangre-rape. Sa ganitong paraan, higit na mapapangalagaan ang seguridad ng kababaihan. Police visibility ang nararapat para hindi magkaroon ng pagkakataon ang mga “gutom sa laman”. Matutuwa ang mga kababaihan kapag maraming pulis sa kalye lalo na sa gabi.