Tinodas ang mister (Huling bahagi)

PAGKATAPOS ng imbestigasyon, kinasuhan ng parricide si Berna sa RTC. Ang mga testigo ng prosekusyon ay sina Cindy, ang hepe ng pulis at ang huwes na kinumpirma ang lahat ng nangyari na nakasaad sa salaysay ni Berna at minarkahan bilang Exhibit “C”. Ang health officer/doktor naman ay tumestigo tungkol sa kinalabasan ng kanyang pagsusuri, na namatay si Gardo dahil sa internal hemorrhage at brain concussion o sa pagdurugo ng utak sanhi ng pagkakahampas ng matigas na bagay na bumasag sa mga buto sa ilong, pisngi at panga ni Gardo.

Dineklara naman ni Berna sa korte na ang ginawa sa kanya ni Gardo noong gabing dumating ito na lasing sa pag-inom ng tuba, sinuntok agad siya ni Gardo sa tiyan kaya siya hinimatay. Noong magkamalay, tinanong niya si Gardo kung bakit siya sinuntok at ang sagot ni Gardo ay uulitin nito ang panununtok kung magmamatigas siya, kaya’t tahimik na lang siyang naghanda ng hapunan. Habang kumakain, hinagis ni Gardo ang plato niya at lumabas na lang para manigarilyo. Pagbalik ng lalaki, sinuntok na naman siya dahil sa lagi niyang pagseselos at galit niya sa ginawa nitong pagbebenta ng kanilang mga ari-arian para lang ipatalo sa sugal.

Habang sila ay natutulog, tumayo siya at kinuha ang martilyo at pang-ukit sa tabi ng ulo ni Gardo at ipinanghampas sa lalaki hanggang sa mamatay ito. Pagkatapos ay ibinalot niya ang katawan ni Gardo sa banig at humingi ng tulong kay Cindy para maitapon ang bangkay sa sapa. Tumanggi si Cindy pero nang takutin niya ay sumunod din. Inamin niya na pinatay niya si Gardo dahil sa pagmamaltrato nito sa kanya. Naramdaman daw niya ang pagsapi ng masamang espiritu kaya nawalan siya ng kontrol sa sarili at naramdaman na may lalaking sumasakal sa kanya kaya napilitan siyang kumuha ng kapirasong kahoy at hinampas ng dalawang beses sa mukha ang lalaki pero nang magsindi ng lampara ay si Gardo pala ang kanyang nahampas.

Binasura ng korte ang depensa ni Berna at hinatulan    siya ng habambuhay na pagkabilanggo para sa krimeng parricide. Kinatigan ng Supreme Court ang naging desisyon ng korte. Hindi raw katanggap-tanggap ang mga palusot ni Berna dahil may 11 tama sa ulo si Gardo na hindi magagawa ng dalawang hampas lang at inamin na niya ang kanyang ginawang pagpatay. Si Cindy pa mismo ang tumestigo laban sa kanya at nagpakita ng pagkainis sa kanya. Ayon sa korte, nakalahad sa Exhibit “C” ang lahat ng totoong pangyayari dahil noong oras na sinulat niya ang salaysay ay nagsisisi pa siya sa ginawa at hindi pa nakakaisip ng palusot sa kaso. Kaya alinsunod sa Art. 246 ng Revised Penal Code ay nararapat lamang na hatulan siya ng habambuhay na pagkabilanggo (People vs. Canja, G.R. L-2800, May 30, 1950).

Show comments