EDITORYAL - Daming basurang plastic

TUWING bumabaha sa maraming lugar sa Metro Manila, karaniwan nang makikita ang mga inaanod na mga plastic na basura --- plastic­ bottle ng softdrinks, icetea, tubig, suka, toyo, patis at marami pa. Marami ring sache ng shampoo, toothpaste, coffee, creamer, styro at mga pinagbalutan ng sitsirya at marami pang iba. Ang mga basurang ito ang nakikita kapag bumabaha. Tinatangay sila ng agos para dalhin sa Manila Bay. Ang ibang hindi pinalad na makarating sa lawa ng Maynila, hahantong sa mga estero kung saan maraming nakatirang iskuwater. Hahalo ang mga basura sa dati nang basura sa mga estero. At ang resulta, sandamakmak na basurang plastic at dumi ng tao ang makikita sa mga estero. Sa rami ng basurang plastic, puwede nang daanan ng tao ang ibabaw nito na hindi lulubog.

Kapag masungit ang panahon, ga-bundok na alon ang humahampas sa Roxas Boulevard, Maynila. Ga-bundok din ang basurang dala ng alon na ikinakalat sa kahabaan ng Roxas Blvd. Isinuka ng alon ang mga basurang itinapon ng mga walang disiplinang mamamayan. Daan-daang trak ng basura ang nakukuha sa kaha­baaan ng Roxas Blvd.

Kung malilinis sa basura ang mga estero at iba pang waterways, hindi na ito hahantong sa Manila Bay. Pero dahil walang disiplina sa pagtatapon ng basura ang mga nakatira sa mga pampang ng ilog at estero, walang katapusan ang basura.

Sabi ng Metro Manila Development Authority (MMDA), may pananagutan ang mga barangay captain na maging malinis ang mga estero na nasa kanilang nasasakupan. Maaaring sampahan sila ng kaso sa Ombudsman kapag pinabayaan nilang marumi ang mga estero. Kapag ginawa ito, maraming barangay chief ang mananagot.

Dapat may masampolan sa kanila para naman masolusyunan na ang pagdami ng basurang­ plastic na lumulutang sa panahon ng tag-ulan at baha.

Show comments