MALING paniniwala: “Ang mga expired na gamot ay epektibo pa gamitin pagkaraan ng tatlong buwan.”
Paliwanag: Mali po. Hindi ligtas gamitin ang mga expired na gamot. Kapag nakasaad na expired na ang gamot sa petsang ito, dapat ay paniwalaan natin ito. May pagkakataon na nakasasama sa kalusugan ang pag-inom ng expired na gamot. Madaling masira ang gamot kapag nailagay ito sa mainit na lugar, natanggal sa lalagyan o nabasa ng tubig. Huwag ilagay ang gamot sa loob ng kotse dahil maiinitan ito. Huwag din ilagay sa loob ng pitaka at baka madurog ang gamot. Mas ligtas ang gamot kung itatago sa malamig na kuwarto o sa refrigerator. Bumili lang ng sapat na dami ng gamot para hindi ito ma-expired.
Maling paniniwala: “Hindi ko kailangang mag-enroll sa PhilHealth. Sayang lang ang pera ko at hindi ko naman magagamit iyan.”
Paliwanag: Kaibigan, malaking benepisyo para sa iyo at sa iyong pamilya ang pag-e-enroll sa PhilHealth. Pinapalawak na ng gobyerno ang tulong na ibinibigay ng PhilHealth sa maysakit. Una sa lahat, kapag nag-enroll ka sa PhilHealth, covered na rin ang iyong asawa, anak na edad 18 pababa at magulang edad 60 pataas. Kumpara sa ibang health cards, mas mura ang PhilHealth at malaking tulong ito kapag ang kapamilya mo ay naospital o naoperahan.
Maling paniniwala: “Hindi ko kailangan itigil ang aking bisyo. Buhay ko naman ito. At lahat naman tayo ay mamamatay.”
Paliwanag: Kapag hindi mo itinigil ang paninigarilyo, mas mababawasan ang iyong buhay ng anim na taon kumpara sa taong hindi naninigarilyo. Malaki rin ang iyong magagastos sa ospital kapag nagkasakit. Mahal ang supply ng oxygen para matulungan ang paghinga ng taong may emphysema. Baka maubos ang iyong pera at mawalan ng pang-tuition ang mga anak. Kapag nagkasakit ang magulang, ang buong pamilya ang maghihirap. Kaya itigil na ang paninigarilyo para sa iyong kalusugan at para sa kapakanan ng iyong mahal sa buhay. Iyan ang katotohanan.