HABANG papalapit ang SONA ni Pres. Rodrigo Duterte, matunog ang usapin sa pagbabago ng Konstitusyon. May mga miyembro ng Kongreso, mga kaalyado ni Duterte, ang nagpaparinig na maaaring magdeklara ng Constituent Assembly (ConAss) ang Kongreso para mabago ang Konstitusyon, at sa SONA ni Duterte planong gawin ito. Pero ayon kay dating Senate President Aquilino Pimentel Sr., nasa isip lang ni House Speaker Pantaleon Alvarez ang plano.
Ayon kay Pimentel, hindi puwedeng magdeklara ng ConAss ang Kongreso nang mag-isa. Kailangan ang Senado at Kongreso ang maghain ng resolusyon kung gagawing ConAss. Naniniwala rin si Pimentel at iba pang miyembro ng Consultative Committee na kailangang hiwalay bumoto ang Senado at Kongreso, kung babaguhin nga ang Konstitusyon. Kitang-kita ang kamay ni Alvarez na minamadali ang pagbabago ng Konstitusyon, kanselahin ang eleksiyon sa 2019, at gawing federalismo ang gobyerno. Pero kung hawak na niya ang Kongreso, mukhang iba ang usapan sa Senado.
Kung matutuloy ang plano ni Alvarez sa Lunes, may banta si Sen. Miguel Zubiri na maaaring mag-walkout ang mga senador. Malaking gulo ang magaganap kung sakali. Hindi raw ang SONA ang tamang lugar para gawing ConAss ang Kongreso, lalo pa kung walang partisipasyon ang mga senador, at hindi dapat nag-eeksperimento kung magagawa nga. Pabayaan na lang si Duterte na ibigay ang kanyang talumpati hinggil sa estado ng bansa. Sana nga, ganito ang katayuan ng Senado. Hindi sila dapat pumayag na makapon sila ng Kongreso, sa pamamagitan ng ConAss kung saan isang botohan na lang at hindi hiwalay. Mga matataas na miyembro ng partido ni Duterte ang mag-amang Aquilino Pimentel. Sana, maipaliwanag nila kay Duterte na may tamang proseso ang lahat at hindi dapat ipinipilit sa taumbayan. Dapat maintindihan ng mamamayan kung ano ang mga benepisyo ng pagbabago ng Konstitusyon at anong uri ng gobyerno ang federalismo.