DALA ng kahirapan, marami sa ating mga kababayan ang mas pinipiling malayo sa pamilya upang makapagtrabaho abroad.
Sa pinaka-huling tala ng Philippine Statistic Authority (PSA) umabot sa mahigit 2.2 million ang mga OFW sa iba’t ibang bansa mula Abril hanggang Setyembre 2016. Kasabay ng patuloy na pagtaas ng bilang na ito, parang kabuteng nagsusulputan din ang mga recruitment at consultancy agency. Problema, hindi lahat ng mga ito matitino.
Karamihan sa mga ahensiya kung hindi delinkwente, pabaya! Matapos gatasan ang mga aplikante bigla-bigla na lang mawawala. Masaklap pa, ‘yung iba walang lisensiya! Kaya ‘yung mga naghahabol na biktima, walang magawa.
Pero hindi lang naman sa mga ahensiya ang problema. Ilan kasi sa mga Pinoy, sa kagustuhang makaalis at makapagtrabaho agad abroad, hindi na nakakapag-isip ng tama. Agad-agad naniniwala sa mabubulaklak na salita ng ahensiya at nag-aabot ng pera kahit sa mga taong hindi naman kakilala.
Paaasahin at paghihintayin nang matagal pero ang ending, nganga! Wala na ngang trabaho pati pera dedekwatin pa. Para makaiwas sa mga illegal recruiter at hindi mabilang sa istatistika ng mga biktima, ito ang ilan sa mga dapat tandaan ng mga balak magtrabaho sa ibang-bansa.
Una, siguruhin na ang agency na inyong inaaplayan ay lisensiyado sa POEA. Makipagtransaksiyon lang sa mga authorized person mula sa nasabing ahensiya.
Pangalawa, alamin ang tamang halaga ng placement fee. Kung magbabayad ng pera, huwag pumayag na walang official receipt at kung saan-saan lang makikipagkita. Tandaan na ang lisensiyadong ahensiya dapat may sariling opisina.
Pangatlo at pinaka importante sa lahat, dapat alam ninyo ang inyong karapatan bilang aplikante. Tulad ng pagre-request ng refund kung sobra nang matagal ang iyong aplikasyon.
Sabi nga nila, kung walang magpapaloko wala ring manloloko. Kaya bago pasukin at magdesisyon sa isang bagay, siguruhing masusi itong pinag-aralan. Para sa iba pang safety tips, maari n’yong bisitahin ang aming website na bitagmedia.com.