^

PSN Opinyon

Minanyak ang biyenan

IKAW AT ANG BATAS - Jose C. Sison - Pilipino Star Ngayon

(Huling bahagi)

NARINIG ni Berto na isang kapitbahay ang kanyang mga sigaw. Tinawag ni Berto si Linda at nagulantang na lang nang biglang tumalon mula sa bintana si Nardo na nakahubo at bitbit sa kamay ang salawal pati bolo. Nagtatakbo sa taniman ng kamote ang manyak. Si Linda naman ay nagtamo ng sugat at galos sa iba’t ibang parte ng katawan. Dinala ni Berto si Linda sa bahay ng isang magsasaka bago ipinaalam sa asawa nito at sa mga pulis ang nangyari. Inabot din ng anim na buwan bago nahuli si Nardo na tumakas at nagtago sa isang sitio nang masampahan ng kasong rape.

Todo-tanggi si Nardo. Wala raw siyang hawak na itak nang pumasok sa kuwarto ni Linda at hindi raw niya pinuwersa, tinakot o ginawan ng karahasan ang biyenan nang makipagtalik sa babae. Pumasok lang daw siya sa bahay para uminom ng tubig at nang makita si Linda ay nilapitan at hinalikan ang babae dahil nga may relasyon silang dalawa. Nagtalik daw sila sa loob ng limang minuto nang biglang dumating si Berto.

Binasura ng korte ang palusot ni Nardo dahil na rin sa ginawa niyang pagtakas at pagtatago sa loob ng humigit-kumulang anim na buwan. Mas binigyan ng halaga ng hukuman ang malinaw, simple at diretsong salaysay ni Linda kung paano siya ginahasa ni Nardo. Naniniwala ang korte na isang simpleng taga-baryo si Linda at hindi isang babaing pakawala na mahilig makipagrelasyon sa ibang lalaki lalo na sa mismong manugang. Sinuportahan din ng testimonya ni Berto ang mga pahayag ni Linda sa hukuman dahil ipinakitang hindi naman siya interesado sa kahit anong kalalabasan ng kaso. Kinumpirma rin ng medico-legal ang mga sugat na nakuha ni Linda. Hinatulan ng korte si Nardo ng kamatayan dahil sa panggagahasa sa biyenan.

Nang awtomatikong umakyat sa Supreme Court ang kaso ay kinuwestiyon ni Nardo ang naging hatol ng korte na aniya ay base lang sa sapantaha at maling konklusyon. Mas binigyan halaga rin daw ang kahinaan ng depensa kaysa sa lakas ng ebidensiya ng prosekusyon.

Pero hindi rin tinanggap ng SC ang katwiran ni Nardo. Sabi ng SC na ang hatol ng mababang hukuman ay base sa direkta at positibong pagtuturo sa kanya ng biktima at pinagtibay pa ito ng testimonya ng mga testigong walang interes sa kaso. Higit pa rito, ang hindi maipaliwanag na pagtatago ni Nardo nang maisampa na ni Linda ang kaso ay malinaw na nagpapatunay na talagang ginawa niya ang krimen. Kung totoong may relasyon sila ni Linda ay hindi na niya kaila-ngan na tumalon nang hubo mula sa bintana ng kuwarto at magmadali. Puwede naman niyang isuot ang pantalon at lumabas mula sa kuwarto para kausapin si Berto na nasa labas lang naman ng bahay kahit pa nga sumisigaw. Hindi rin niya kailangang magtago ng anim na buwan. Ang pagtakas ay nagpapatunay na umabot na sa kanyang kaisipan ang bigat ng ginawang kasalanan na wala rin siyang depensa para mapawalang sala sa akusasyon ng rape. Suwerte lang niya at dapat na ibaba sa reclusion perpetua ang hatol imbes na death penalty dahil nawala na ito sa 1987 Constitution  (People vs. Dejucos, G.R. L-73326, December 14, 1987).  

ATTY. JOSE C. SISON

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with