PATULOY sinusuri ng Kristiyanong theologians ang doktrinang original sin. Isang nananaig na linya ay “kondisyon” ang original sin. Isinisilang ang bawat nilalang na nadungisan ng Pagbagsak ng Tao. Hindi dahil sa masamang inisip o ginawa niya ang original sin. Minana niya mula sa mga unang magulang ang karupukan sa tukso. Sa binyag naibabalik-loob siya sa Diyos -- para sa buhay na walang hanggan.
Nilikha ng Diyos sina Adam at Eve sa Kanyang imahe. Tulad niya kaya nilang magmahal. Pinagkalooban Niya sila ng sagana sa Paraiso. Binahagihan Niya sila ng free will. Malaya nilang makakain ang bunga ng anumang puno, pero kapag kinain ang prutas ng puno ng Kaalaman ng Mabuti’t Masama ay ikamamatay nila. Hindi Diyos ang tumukso kina Adam at Eve na tikman ang bawal na prutas, kundi ang demonyo, na nag-anyong ahas.
Pinaka-mataas na nilalang ng Diyos ang tao. Pero hindi siya perpekto. Hilo, lango, limitado ang utak, hindi niya kayang maarok lahat. Naisin man, hindi niya mababatid lahat ng kaalaman sa milyun-milyong aklat sa mundo. Malamang ilang daan lang ang mabasa sa buhay niya. Ipinakita ‘yan kay Augustine ng batang anghel sa pamamagitan ng kabibe, na hindi maililipat lahat ng tubig-dagat sa hukay sa pampang.
Kung minsan dahil sa hindi makayang maarok, nabubuwisit at nagmumura ang tao. Ibang panahon mapagkumbaba siyang nananatiling mapagsampalataya. “Walang pagsubok na dumating sa iyo maliban sa karaniwang pagsubok sa tao. Ang Diyos ay matapat, na hindi ka pababayaang masubok nang higit sa makakaya mo. Kasabay ng pagsubok, gagawa siya ng paraan para makaligtas ka nang sa gayon, makayanan mo ang pagsubok.” (1 Corinto 10:13)
Huwag sanang laitin ang Kristiyanismo ng mga hindi makaarok.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).