^

PSN Opinyon

EDITORYAL - Sumusobra na ang Kadamay

Pilipino Star Ngayon
EDITORYAL - Sumusobra na ang Kadamay

NAKAPAGTATAKA kung bakit biglang nagkaroon ng sungay ang mga miyembro ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay). Noong una ay hindi naman sila ganito kagarapal kung humiling sa pamahalaan at may pagkapino pa ang kanilang mga aksiyon. Dati, simple lang ang grupong ito ng mga mahihirap pero ngayon, nagmistula nang mga simaron at lahat at gustong hilingin sa gobyerno.

Nagsimula ang kagaspangan ng Kadamay noong lusubin nila ang mga bakanteng bahay sa Pandi, Bulacan noong nakaraang taon at angkinin. Ang mga bahay ay para sa mga pulis pero dahil ina­ayos pa ang mga papeles o mga dokumento, hindi pa mai-award sa benificiaries. Pero sabi ng mga Kadamay, nakatiwangwang lang daw at nabubulok ang mga ito kaya nilusob na nila. Nagkanya-kanya silang angkin ng mga unit. Kahit daw walang tubig at kuryente, pa­yag sila basta magkaroon lang ng sariling tirahan.

Kahit binalaan ng National Housing Authority (NHA) na mananagot sila sa batas, hindi natinag ang mga Kadamay. Hindi raw sila aalis. Matagal na raw silang nananawagan sa gobyerno na magkaroon ng bahay. Hanggang sa mamagitan si Pres. Rodrigo Duterte at sinabing ipagkaloob na sa Kada­may ang mga bahay. Bibigyan na lang daw nang mas malaki ang mga pulis. Maaaring ito ang dahilan kaya lumakas ang loob ng mga miyembro ng Kada­may. Naging kakampi nila ang Presidente.

Kamakalawa, muli na namang lumusob sa NHA office sa Quezon City ang mga miyembro ng Kada­may at hiniling na i-award na sa kanila ang mga naka­tiwangwang na housing units. Marami raw pabahay ang gobyerno na hindi napapakinabangan kaya nara­rapat i-award sa kanila. Ito raw ay nakasaad sa joint congressional resolution na nilagdaan dala­wang buwan na ang nakararaan. Hiniling din nila sa NHA na ipamahagi na ang mga titulo ng lupa.

Sabi pa ng mga Kadamay, kaysa raw mga tambay ang pagtuunan ng pansin ang mga walang bahay ang asikasuhin. Hindi raw sila titigil hangga’t hindi nakukuha ang kanilang gusto.

May sungay na ang mga Kadamay. Tila may nagmamaniobra na sa grupo para manggulo. Dapat magpakita na ng bangis ang gobyerno sa grupong ito na sumusobra na. Dapat mabigwasan ang mga ito na wala na sa ayos ang mga ginagawa.

KADAMAY

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with