MAHIGIT isang linggo na ang nakararaan mula nang patayin si Tanauan City, Batangas mayor Antonio Halili. Inilibing siya noong Linggo na dinaluhan ng mga supporters. Ngayon naman ang ikaisang linggo nang patayin si General Tinio, Nueva Ecija Mayor Ferdinand Bote. Magkasunod na araw nang patayin sina Halili at Bote.
Noong Sabado, pinatay din si Trece Martires City Vice Mayor Alexander Lubigan at isang bodyguard nito. Nakasakay sa kanyang itim na Toyota Hi-Lux si Lubigan, kasama ang kanyang dalawang bodyguards. Isang itim na pick-up ang biglang tumigil sa kinapaparadahan ng sasakyan ng vice mayor at pinagbabaril ito.
Sunud-sunod ang mga pagpatay at hanggang ngayon ay wala pang naaaresto ang Philippine National Police (PNP) sa mga may kinalaman sa krimen. Maraming anggulong tinitingnan ang mga pulis sa pagpatay kay Halili na napasama sa “narco list’ ni President Duterte. Itinanggi naman ng mga kaanak ni Halili na may kinalaman ito sa illegal drugs, Marami umanong tinamaan sa ginagawang pagpapahiya ni Halili sa mga nahuhuling drug addict at magnanakaw kaya maaring paghihiganti ang motibo nito. Sa libing ng mayor, humihingi ng hustisya ang mga kaanak nito.
Wala pa rin namang naaaresto sa mga pumatay kay Mayor Bote. Inambus ang mayor habang palabas ng NIA office sa Cabanatuan ang kanyang SUV. May mga witness na nakakita sa mga kalalakihang nakasakay sa motorsiklo at nasa likuran ang isang van. Humihingi ng hustisya ang kaanak ni Bote na nagsabing mabuting opisyal ito at hindi nasangkot sa illegal na droga.
Wala pa rin namang naaaresto ang PNP sa pagpatay kay Vice Mayor Lubigan pero mayroon na umano silang “person of interest”. Hindi pa umano nila ito maihahayag sapagkat patuloy pa rin ang kanilang pag-iimbestiga. Ayon naman sa report, may kinalaman sa pulitika ang dahilan nang pagpatay.
Kailangang kumilos nang mabilis ang PNP sa sunud-sunod na pagpatay sapagkat sila ang mapipintasan dito. Gumawa nang paraan para mabilis na madakip ang mga killer o “utak” nito. Palawakin ang intelligence gathering para makakuha nang sapat na pagkakakilanlan ng mga killer.