NANAWAGAN si MPD Director C/Supt. Rolando Anduyan sa Manila Trial Court na bilisan ang pag-release ng commitment orders upang mabawasan ang preso sa mga selda. Nasa 55 preso na ang namatay sa selda dahil sa kasikipan. Hindi lang MPD ang nanawagan sa pag-apura ng commitment orders kundi ang iba pang police districts. Patunay na nagtatrabaho ang mga pulis laban sa droga at tambay. Pero may ilang pulis din na nahuhuli si NCRPO Dir. C/Supt. Guillermo Eleazar na natutulog. At may mga pulis talaga na umaabuso kaya bumabagsak ang imahe ng PNP. Katulad nang pangongotong ng tatlong pulis ng MPD-Station 5 sa drug suspects kamakailan na si Anduyan ang nag-entrap. Sinibak na sila sa puwesto pati ang hepe. Dahil dito, puro trabaho ang ginagawa ng mga pulis kaya nag-uumapaw ang mga selda na nagiging sanhi ng kamatayan at pagkakasakit ng mga preso.
* * *
Isang miyembro ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) ang namatay matapos sitahin ng mangmang na MTPB enforcer ang ambulansiya ng biktima. Sinita ni MTPB enforcer Raymond Bauron ang ambulansiyang sinasakyan ng biktima sa kabila ng pakiusap ng drayber na emergency ang lakad. Nauwi sa pagtatalo dahil ayaw pumayag si Bauron na palampasin ang violation ng driver. Hindi na umabot sa PGH ang biktima. Sinibak na ni MTPB chief Dennis Alcoreza si Bauron. Nai-Banat ko na ang pagkukumpulan ng MTPB enforcers sa Dasmarinas, Binondo at Roxas Boulevard, Ermita. May nagsabi sa akin na karamihan sa MTPB enforcers ay mga residente ng San Juan City. Maging ang mga police traffic ng MPD ay nagagalit sa mga ito dahil sa sobrang panghaharibas. Chief Alcoreza, kung may katotohanan ito, aksyunan mo. Maraming Manileños ang walang trabaho kaya bakit kumuha ng “hustlers” este enforcers sa ibang lungsod? Rebisahin mo ito at ipatapon sa kanilang lungsod ang mga abusadong enforcers na sumisira sa layunin ni Mayor Estrada sa pagsasaayos ng trapiko. Huwag hintayin na ang Manileños ang magdidesisyon sa darating na 2019 elections. Abangan!