EDITORYAL – Lumalambot na sa jueteng

LAGANAP pa rin ang jueteng sa kasalukuyan. Maraming barangay sa buong bansa ang may pa-jueteng at patuloy na nabubuhay dahil sa pagtaya ng mga residente. Patuloy ang pangungubra ng mga taya. Marami ang umaasa na sa taya ay mananalo. Kaya kahit ang pambili ng bigas at sardinas ay sinasapalaran pa. Pero natatalo dahil may daya ang jueteng. Minamaniobra. Kaya laging ang panalo ay ang bangka o nagkakapital.

Noong nakaraang taon, sinabi ni President Duterte na wawasakin ang illegal gambling sa bansa kabilang ang jueteng na daan-taon nang namamayani sa komunidad. Kadalasang sa mga mahihirap na lugar sa bansa laganap ang jueteng.

Isang task force on illegal gambling din ang kanyang nilikha para i-overhaul ang small-town lottery (STL) na nagiging front ng jueteng, masiao, two balls at iba pang illegal na sugal sa bansa. Plano ng task force na wakasan na ang mga illegal na sugal sa bansa lalo nga ang jueteng. Inisyu pa ni Duterte ang Executive Order No. 13 na nagbubuwag sa lahat ng illegal gambling kasama ang jueteng. Inatasan niya si dating PNP chief Director General Ronald de la Rosa at iba pang law inforcement agencies na arestuhin ang lahat nang nagmi-maintain ng illegal­ gambling kasama ang jueteng. Sabi ni De la Rosa, anim na buwan lang at buwag na ang illegal gambling. Pero walang nangyari sa EO 13 sapagkat nag­patuloy ang jueteng.

Noong nakaraang Biyernes, nag-iba na ng tono si Duterte sapagkat pinapaboran na niya ang jueteng. Sinabi niya nang magtalumpati sa National Information and Communications Summit 2018 sa SMX Convention Center, nakakatulong daw sa economic activity ng probinsiya ang jueteng. Kung aalisin daw ang jueteng, magiging rampant daw ang illegal drug trade. Gagamitin daw ng drug dealers ang extensive at intensive network ng jueteng.

Ano kaya ang masasabi ng Philippine Charity­ Sweepstakes Office (PCSO) ukol dito lalo’t sila ang nagpo-promote ng STL. Inilunsad ang STL na ang layu­nin ay para matigil ang jueteng. Paano na ang STL ngayong mas gusto ni Duterte ang jueteng. Dapat magkaroon ng matibay na pasya ukol sa illegal gambling ang gobyerno. Hindi kung anu-ano na lang ang maisip ay ipatutupad na.

Show comments