ALAM ba ninyo na bagamat nag-anunsyo ng bawas-singil ang MERALCO sa power rate, puwede pa itong mabawasan pa kung wala ang pabigat na Feed-In Tarrif Allowance (FIT-ALL)? Ito ay dagdag na buwis sa consumers ng kuryente. Ang singil sa kuryente sa buwang ito ay nasa Php 9.8789 kada Kw/H. Ibinabayad ang FIT-ALL sa mga power producers na gumagamit ng renewable energy sources.
May mga consumer groups tulad ng Laban ng Konsyumer, INC. (LKI) ang naghain ng mosyon laban dito na inuupuan lang ng Energy Regulatory Commission (ERC).
Maliksi ang ERC kung dagdag na singil sa FIT-ALL ang aaksyunan. Pero kapag nagreklamo ang bayan, kumukupad ang aksyon nito. Ngayon, mayroon na namang mga ERC commissioners na nasuspinde. Ibig sabihin, matetengga uli ang usapin. Bilyun-bilyong halaga ang pinag-uusapan dito kaya dapat ang mabilis na aksyon. Mabuti’t bumaba ang presyo ng kuryente na inanunsyo ng Meralco para sa Hunyo sa kabila ng pagtaas ng iba’t ibang pangunahing produkto at serbisyo.
Salamat at sapat ang kabuuang pagbaba ng presyo upang mapalambot ang epekto ng tinaasang rate ng FIT-ALL.
Sana, umaksyon na ang Palasyo laban sa FIT-ALL. Mga kapwa ko consumers, kalampagin natin ang gobyerno! Dapat unahin ang kapakanan nating mga ordinaryong mamamayan. Umaaray na nga tayong mga konsyumer sa mataas na presyo ng mga bilihin dulot ng implementasyon ng TRAIN Law, tapos idadagdag pa itong FIT-ALL? Tama na iyan! Bakit hindi sa pamahalaan kunin ang subsidiya sa mga power producers sa halip na sa bulsa nating mga mamamayan na patuloy na sumasalo sa epekto ng nangyayari sa gobyerno at ekonomiya?