O, hinamon pa ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang mga kontra sa kanyang Anti-Tambay campaign na ipaubaya na sa Korte Suprema ang mga hinaing. Matindi ang paninindigan ni PRRD sa kanyang kapangyarihan bilang Pangulo na gawin ang nararapat para sa bansa. Kapag sinabing doon na tayo sa hukuman mag-usap, ang kahulugan ay kampante siya na papanig sa kanya ang mga mahistrado.
May kasaysayan ang usaping ito sa Mataas na Hukuman. Minsan na ito umabot sa kanilang harapan nang dumulog dito ang mga apektado noong panahon ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos. Nasa libro pa noon ang Anti-vagrancy law – sa Tagalog, bagansya – na ginagawang krimen ang pagpapalabuy-laboy at patambay-tambay. Ang pamantayan ng batas ay kapag ang akusado, kapag dinampot, ay walang malinaw na panggagalingan ng suporta. Translation: kung mukha kang walang trabaho o mukha kang mahirap.
Nang idinulog ito sa Supreme Court – mula sa desisyon ng isang Korte sa Davao City na nagsabing labag sa Konstitusyon ang batas laban sa tambay – ang naging pasya ng ating matataas na mahistrado ay pangatawanan ang legalidad ng batas. Bahagi raw ito ng obligasyon ng estado na siguruhin ang kaligtasan ng ating mga komunidad.
Hindi sumang-ayon ang ating mga mambabatas. Malinaw na ang ating mga kababayang mahihirap ang target ng batas laban sa tambay. Kung kaya mismong ang Kongreso ang nagpasyang tanggalin na ang vagrancy sa ating libro.
Ngayon, dahil dama ni PRRD ang obligasyong siguruhin ang kaligtasan ng lipunan, nais niyang segundahan ang sentimyento noon ng Supreme Court. Ang problema, kung noon ay may batas na binabasa ang hukuman, ngayon ay wala nang batas na maaring ipatupad ni PRRD. Kung kaya anumang paglipol na gagawin niya sa mga tambay ay katha lang ng sarili niyang pag-iisip at walang pinanghahawakang basehan.
Hindi ganoon ang sistema sa demokratikong lipunan na dapat ay may naunang batas na dinesisyunan ng ating mga kinatawan. Saka lang maari itong ipatupad ng ehekutibo. Ano ang ipapatupad mo kung walang batas?