KAUNTING ulan lang, baha agad sa Maynila. Nang umulan noong Biyernes, maraming kalye sa Maynila ang lumubog sa baha: Taft Avenue, España Blvd, Laon Laan St., Dapitan St., Blumentritt St. at iba pang lugar sa Sampaloc area.
Kahit mayroong flood control project sa Blumentritt na ginastusan nang malaking halaga, bumaha pa rin. Ano ang dahilan? Wala nang iba kundi ang mga basura. Ang mga basura ang nakaharang sa daluyan ng tubig. Pawang mga plastic na basura ang makikita. Kahit linisin nang linisin ang mga estero, tatalikod ka lang at mayroon na namang basura. Itinapon ng mga iresponsableng mamamayan na nasa gilid ng estero.
Lalo pang titindi ang baha ngayon sa Maynila sapagkat pawang basura ang makikita sa mga kalye. Sa Port Area, kapansin-pansin ang tambak ng basura sa Railroad St. na nang bumaha ay inanod sa kung saan-saan.
Marami ring basura sa Tejeron St. (malapit sa boundary ng Maynila at Makati) kaya nagkakaroon nang matinding trapik. Kinain na ng basura ang kalye kaya kumitid na at nagiging dahilan nang matinding trapik.
Tambak din ang basura sa may Road 10 at Blumentritt St. Umaalingasaw ang baho. Napakaraming langaw. Ilang araw nang nakatambak ang mga basura na banta sa kalusugan ng mga residente. May tambak din ng basura sa ilang lugar sa Quiapo at Sta. Cruz Area.
Noong isang araw, binisita ni Mayor Joseph Estrada ang mga lugar na maraming basura at sininghalan ang barangay chairman na nakakasakop. Ilang sandali pa at pinahakot na ang mga basura. Nang mawala ang tambak ng basura, nawala rin ang maraming langaw na banta sa kalusugan ng mga residente.
Maaari naman palang ipahakot ang mga basura ay kung bakit kailangan pang itengga pa ng kung ilang araw. Hihintayin pang magkasakit ang mga residente bago ipahakot? Kaya hindi maubus-ubos ang mga ipis at daga sa maraming lugar sa Maynila ay dahil sa mga basura.
Maraming basura sa mga estero sa Maynila dahil ginagawang tapunan ng mga iresponsableng informal settlers. Hindi makadaloy ang tubig dahil sa rami ng basura. At ang resulta: Baha!
Makakayang disiplinahin ang mga iresponsable. Kailangan lamang ay political will. Magpakita ng tapang laban sa mga nagtatapon ng basura. Kung hindi ito gagawin, laging babaha sa Maynila dahil sa basura. Kawawa ang Maynila.