HINDI raw babaguhin ng pulis ang kuwento, sa nangyari kay Genesis Argoncillo. Matatandaan na unang sinabi ni Supt. Carlito Grijaldo, kumander ng Quezon City Police Station 4, na ang mga pasa na natamo ni Argoncillo ay kagagawan niya mismo dahil nagwawala. Sinabi pa na may maling pag-iisip si Argoncillo, bagay na itinanggi ng pamilya. Sabi naman ng QCPD, namatay si Argoncillo dahil maaaring hindi nakahinga sa loob ng kulungan. May eksaminasyon pa raw ang isang doktor sa katawan ni Argoncillo, at sinabing walang nakitang mga pinsala sa katawan. Iba naman ang sinasabi ng death certificate niya. Puro pasa nga raw ang itaas na bahagi ng kanyang katawan.
Ngayon, mga kasama ni Argoncillo ang bumugbog umano sa kanya. Ngayon lang sinasabi ito,ilang araw nang maaresto si Argoncillo. Hindi ba ito alam ng mga pulis na nagbabantay sa presinto? Bakit ngayon lang lumabas ito? Ganun pa man, walang binabago ang pulis sa kuwento. Kung ganun, ano kaya ang nangyari?
Inaresto si Argoncillo dahil nagwawala. Pagdating sa presinto, nagwawala pa rin. Dito na siya binugbog ng mga kasama sa kulungan, kaya nawalan ng hininga? O nawalan siya ng hininga, kaya nagwawala, bago binugbog? O binugbog na siya kaagad pagpasok, kaya nagwawala, at nawalan na lang ng hininga? O hindi makahinga, kaya nagwala, at binugbog na lang dahil hindi makatulog ang mga kasama sa kulungan? Pero bago lahat iyan, inaresto dahil walang suot na pantaas? O nagwawala na siya habang nakahubad, kaya inaresto, tapos dinala sa kulungan, binugbog kaya hindi nakahinga? Nahihilo na ba kayo?
Limang pulis naman ang tinanggal na muna sa puwesto para magbigay-daan sa imbestigasyon sa pagkamatay ni Argoncillo. Pero kung hindi nga binabago ng pulis ang mga pahayag, at may pinangalanan na dalawang nambugbog umano sa biktima, siguro yung tamang pagtahi-tahi ng kaganapan ng mga pangyayari na lang ang aalamin, hindi ba?