PARANG inaasahan natin na magkakaroon ng kasong ganito, pero hindi ganito kabilis. Ito na ba ang katumbas ng kaso nina Kian Delos Santos at Carl Angelo Arnaiz noong panahon ng tokhang, na ngayon naman ay “istambay”? Patay si Genesis Argoncillo, 22, apat na araw matapos maaresto dahil sa “alarm and scandal”. Hindi pa nga malinaw mula sa pahayag ng mga pulis kung hinuli siya dahil wala siyang suot na pantaas, o dahil umiinom at nagwawala sa kalsada. Nanghamon pa raw ng suntukan, ayon sa mga pulis.
Batay sa death certificate ni Argoncillo, nagtamo ng “multiple blunt force trauma to the neck, head, chest and upper extremities”. Ibig sabihin, puro pasa ang itaas na bahagi ng kanyang katawan. Ayon kay Supt. Carlito Grijaldo, commander ng Quezon City Police Station 4, si Argoncillo mismo ang may gawa ng mga pasa niya dahil lasing at nagwawala raw. Ayon pa kay Grijaldo, wala sa tamang pag-iisip si Argoncillo na inamin daw ng kanyang pamilya, bagay na itinanggi naman ng pamilya. Ayon naman kay QCPD Director Chief Supt. Joselito Esquivel, Jr. namatay si Argoncillo dahil sa sobrang sikip ng kulungan. Baka hindi raw nakahinga. Pero ano ang paliwanag sa mga pasa sa katawan? Ano ba ang totoong nangyari kay Argoncillo? Ang layo naman ng dalawang pahayag ng mga pulis.
Inutos na ni PNP Chief Dir Gen. Albayalde ang relief ni Supt. Carlito Grijaldo, habang iniimbestigahan ang insidente. Dapat nga pumasok na rin ang Senado, at doon malaman ang pahayag ng mga pulis na nanghuli kay Argoncillo. Dapat magsalita rin ang mga kasama ni Argoncillo sa kulungan, kung makapagsasalita lang sila ng malaya, sa nangyari sa kanya. Mahirap ipaliwanag ang mga tama at pasa sa katawan kundi dahil sa pambubugbog. Kung ganun nga, sino ang bumugbog sa kanya? Wala namang pahayag mula sa pulis na ang mga kasama ni Argoncillo sa kulungan ang kumuyog sa kanya.
Hindi na ito kaso ng iligal na droga kung saan nanlaban ang hinuhuli at napatay ng pulis. Namatay si Argoncillo habang nakakulong, apat na araw matapos siyang hulihin. Dapat imbestigahan kung bakit siya hinuli. Nagtataka rin ang pamilya kung bakit pinuntahan sila ng pulis sa liblib nilang tirahan, para lang ba maghanap ng istambay? Para ba may marekord ang istasyon na huli?