ANG utos ni Pres. Rodrigo Duterte sa Philippine National Police (PNP) kamakailan ay arestuhin ang loiterers o ang mga kakalat-kalat sa kalye sa dis-oras ng gabi. Kapag sinabing kakalat-kalat ito ‘yung mga naglilimayon sa gabi at lumalabag sa curfew hours. Kabilang din dito yung mga nagkakantahan at nag-iinuman sa kalsada nang nakahubad-baro. Kadalasang mga kalalakihan ito na ang ingay ay nakabubulahaw sa kapitbahay. Kasama rin sa loiterers ang mga menor-de-edad na nasa labas ng bahay sa alanganing oras na walang kasamang magulang o guardians.
Ang katwiran ng Presidente kaya ipinag-utos ang paghuli sa loiterers ay para ganap na maipatupad ang paglutas sa kriminalidad lalo na sa Metro Manila. Ang mga pagtambay-tambay at pakalat-kalat sa kung saan ay karaniwang pinagsisimulan ng mga krimen. Kung walang mga tambay-tambay, maiiwasan ang mga nangyayaring krimen.
Mula nang ipag-utos ang crackdown sa loiterers, nakadampot na ang PNP nang mahigit 7,000 loiterers sa Metro Manila. Sa probinsiya, gaya sa Bulacan, 172 na ang naaresto kabilang ang 74 na menor-de-edad. Pagkatapos arestuhin, inimbestigahan ang mga ito at saka pinauwi. Ang ilan ay dinala sa barangay hall samantalang ang mga menor-de-edad ay ipinatawag ang mga magulang. Sinermunan muna ng mga pulis ang mga magulang bago pinauwi kasama ang nadampot na anak.
Pero may mga pulis na naging over acting makaraang iutos ni Duterte ang paghuli sa loiterers. Pati mga pauwi na empleado mula sa call center ay inaaresto. Gaya nang nangyari sa Makati City. Bakit kailangang arestuhin e hindi naman pakalat-kalat o tambay ang empleado. Sinibak na ang bopol na pulis.
Itong pag-uutos na arestuhin ang mga kakalat-kalat at tambay ay hindi na bago. Ordinansa na ito sa ilang lungsod at bayan. Sa Quezon City ay matagal nang ordinansa ito. Pero dahil inutil ang mga tagapagpatupad ng batas, hindi ito ginagawa. Kailangan pang ang Presidente ang mag-utos na hulihin ang mga kakalat-kalat sa dis-oras ng gabi.
Maganda ang layunin sa crackdown ng loiterers at mga nag-iinuman sa kalye, pero maging maingat naman ang mga pulis sa pagdampot sa mga ito. Baka mayroong nakatambay lang sa tapat ng bahay ay aarestuhin na. Hindi dapat mangyari ang ganito.