MARAMING motorista na kung magpaharurot ng kanilang mga sasakyan ay akala mo pag-aari nila ang kalsada. Dahil sa ganyang mga asal, madalas nagiging sanhi ng mga aksidente sa kalye at kung minalas ang biktima ay namamatay pa. Minsan ang mga gagong driver nagkakarerahan sa kalsada. Maraming ganyang insidente ngayon lalo na ang mga pampasaherong jeepney at mga bus na nag-uunahan sa pasahero. Tulad ng nangyari sa EDSA noong Martes na nagkarambola ang mga sasakyan dahil sa dalawang bus.
Bigyan pansin natin ang mga pedestrian lane sa buong bansa lalo na rito sa Metro Manila na walang humpay ang mga tumatawid. Igalang ito sapagkat ito’y ginawa upang maging ligtas ang ating mga kababayan. Hindi sila tumatawid kung saan-saan na karamihan at takaw aksidente. At least kapag may pedestrian lane alam natin na tayo ay ligtas habang tumatawid lalo na kung may pasok ang mga bata sa school. Napaka-importante nito.
Gayahin natin ang US, ang mga motorista ay kusang tumitigil kapag napadaan sila sa mga pedestrian lane. Masyado silang istrikto pagdating sa batas sa kalye dahil masyado silang mahigpit. Hindi kagaya rito sa atin puwedeng lagyan ng pera ang mga nagpapatupad ng batas trapiko. Konting lagay lang absuwelto na ang mga motoristang pasaway.
Nakakalungkot lang sapagkat ang mga balasubas na driver ang magaling pang magpalusot kapag nasangkot sa aksidente. Madali lang para sa kanilang sabihing nawalan sila ng preno pero nakasira na sila ng buhay ng tao.
Matauhan naman na sana ang mga motorista. Pag may nakita naman sanang mga pedestrian lane ay matutong huminto at maghintay kung kailan maluwag na saka paharurutin ang inyong mga sasakyan upang maiwasan ang aksidente. Huwag balewalain dahil ito sa kaligtasan ng ating mga kababayan.