EDITORYAL - Mga anomalyang sumisingaw

SUMISINGAW ang mga anomalya at katiwalian ngayon. Naglulutangan ang mga malalaking pondong ginastos subalit walang maipakitang natapos. Umaalingasaw ang baho ng mga proyektong ginastusan nang todo subalit ampaw ang pagkakayari at pagkakatapos. Nakababaliktad ng sikmura ang mga natutuklasang anomalya’t katiwalian na kung hindi maiimbestigahan ay ang mga kawawang mamamayan ang magdurusa. Pera ng taumbayan ang ginastos subalit hindi sila ang nakinabang kundi­ ang mga buwaya sa lipunan.

Isa sa mga lumutang na anomalya ay ang P8.1 bilyon proyekto ng Department of Health (DOH) na Barangay Health Stations (BHS) sa buong bansa. Ayon sa DOH na nakadiskubre umano sa anomalya, nasa 5,700 BHS ang planong itayo gamit ang P8.1 bil­yon. Pero ganoon na lamang ang pagkagulat ni DOH Sec. Francisco Duque III na 270 units lamang ng BHS ang naitayo at walo lamang sa mga ito ang kumpleto at may mga dokumento. Sabi ni Duque, grabe ang kanilang natuklasan at hindi siya titigil hangga’t hindi naiimbestigahan ang nasa likod ng anomalya. Ang BHS ay ipinanukala umano ni dating DOH Sec. Janette Garin sa ilalim ng P-Noy administration.

Ayon sa isang residente sa Quezon City, may naitayo raw na BHS sa kanilang lugar pero wala raw mga kagamitan. Hindi raw napapakinabangan ng mga residente ng barangay lalo ang mga maysakit. Ginastusan ang pagpapatayo ng BHS pero nakatiwangwang lang. Kapag hindi nagamit ang BHS, maaaring masira lamang ang mga ito.

May anomalya rin sa pagpapatayo ng mga bahay para sa mga biktima ng kalamidad gaya ng bagyo at sa mga nabiktima ng giyera sa Mindanao. Ang mga biktima ng bagyong Yolanda sa Eastern Visayas ay nagrereklamo sapagkat ang kanilang mga bahay na natanggap mula sa National Housing Authority (NHA) ay delikadong tirahan. Walang laman ang mga pader at sa mahinang lindol o bagyo ay maaaring mawasak. Sa halip na bakal ang patigas sa pader, kawayan ang inilagay. Mayroong ayaw tumira sa mga bahay sapagkat mas lalong trahedya umano ang kanilang sasapitin.

Nagbabala si President Duterte na “singaw” lamang ng anomalya at katiwalian ang maamoy niya, sisibakin niya ang mga sangkot. Ngayon ipakita ng President ang banta. Imbestigahan ang BHS ng DOH at ganundin ang mga gapok na bahay na ipinagkaloob ng NHA. Naghihintay ang mamamayan sa “gugulong” na ulo.

Show comments