MARAMING policy ng administrasyon ang marahil ay tinututulan natin. Pero inaayunan ko ang paglilinis sa mga komunidad sa mga istambay na nag-iinuman sa kanto. Madalas ay nakabilad ang pang-itaas na katawan na tadtad ng tattoo. Nakatatakot lalu na sa mga taong dumarayo lang para bumisita sa kaibigan o kamag-anak sa isang lugar. At totoo naman na madalas nagkakaroon ng kaguluhan kapag lango na sa alak ang mga tumotomang istambay.
Sabi ni Sen. Bam Aquino, anti-poor daw ito. Hindi naman. Puwede namang umayos ang mga mahihirap kung gusto nilang mag-inuman. Huwag lang gagawin sa labas kundi sa loob ng bahay o bakuran.
Huwag lang aabusuhin, ang kampanya laban sa mga istambay ay tamang hakbang para hindi maging katatakutan ang mga komunidad na ating tinitirhan. At huwag naman sanang ikalaboso agad. Ngunit komo ang nag-atas sa paghihigpit ng implementasyon ng batas laban sa istambay ay si Presidente Duterte, maraming nangangamba na ipinakikita na ng Pangulo ang kanyang pagiging diktador. Aba, kapag naging diktador si Duterte, tiyak kasama ako sa maraming tututol at mag-aaklas.
Ang tanong ko lang ay bakit mga pulis ang dapat magpairal sa mga local na ordinansa laban sa mga istambay? Puwede itong gawin ng barangay sa pamamagitan ng mga nakatalagang tanod. Kunsabagay, paano mo maaasahan ang ibang barangay kung may mga opisyal na tumatambay din at nakikipag-inuman sa labas ng kanilang mga tahanan?
Kahit nung wala pa sa puwesto si Duterte, may mga dati nang ordinansa laban sa pag-iinom sa labas ng tahanan ngunit hindi nga lang naipatutupad.
Kaso, nang ipag-utos ng Pangulo na ipatupad ang mga ordinansang ito, may mga pulis na nagpakitang-gilas at kung sino-sino na lang ang dinakip kahit may binibili lang sa tindahan o kaya ay may hinihintay. Huwag naman sanang ganyan!