IKALIMA ng corals sa mundo ay namatay nitong nakaraang tatlong taon. Tantiya ng mga eksperto, kalahati na lang ng corals ang natitira mula 40 taong nakalipas. Pati ang hilagang bahagi ng Great Barrier Reef sa Australia ay nababakbak na.
Delikado ‘yon. Corals ang bumubuo sa mga bahura na itlogan, laruan, at kainan ng mga isda. Pinipigilan nito ang pagkain ng dagat sa lupa, at pinahihina ang storm surges. Kapag nawala ang mga bahura, gutom at sakuna ang sasapitin ng sangkatauhan.
Hindi bato o halaman ang corals. Hayop sila, invertebrates na walang buto, ilang milimetro o sentimetro lang ang lipis. Ang bahura ay binubuo ng milyong corals. Bakit sila nangangamatay?
Isang dahilan ang basura, anang The Economist. Nahaharangan nito ang sinag ng araw, at ang matatalas ay sumusugat sa corals. Namumuo ang mga plastic sa ibabaw ng corals at nagkakasakit sila sa bacteria. Nalalason sila ng kalat mula sa konstruksiyon sa kalupaan.
Sobrang pangingisda rin ang salarin. Dahil konti ang isda, dumadami ang malalaking algae na sumasakal sa corals. Nabubuhay ang naturang algae sa dumi mula sa sewerage.
Pinaka-matindi pumatay ng corals ang pag-init ng tubig-dagat. Hindi nila kaya ang miski ilang degrees lang na dagdag temperatura. Bukod doon, ang micro-algae na pagkain ng corals ay nagbubuga ng asukal at toxins. Isinusuka sila ng corals, na ikinamamatay nila.
Tatlo rin ang sinasaliksik na solusyon. Una, ang pagkubli ng sobrang init ng araw sa pamamagitan ng malalaking tela. Ikalawa ang pang-pump ng malamig na tubig-dagat sa umiinit na bahagi. Ikatlo ang paglalahi ng corals sa laboratoryo at genetic engineering para maging mas matibay sa sakit at init.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).