^

PSN Opinyon

EDITORYAL - Walang disiplina sa pagtatapon ng basura

Pilipino Star Ngayon
EDITORYAL - Walang disiplina sa pagtatapon ng basura

BASURA ang pangunahing dahilan kaya nagbabaha sa Metro Manila. Matagal nang problema ito. Ilang dekada na ang nakalilipas subalit baha pa rin ang problema. At sa kabila na basura ang dahilan, marami pa rin ang hindi natututo at walang disiplina sa pagtatapon ng basura sa mga estero, kanal at mga ilog. Wala pa rin silang kadala-dala at walang malasakit sa kapaligiran. Ang mga basurang itinambak sa mga ilog ay iluluwa sa dagat at ibabalik naman ito ng dagat mismo sa mga dalampasigan. Totoo ang kasabihang “kung ano ang itinapon mo, babalik din sa’yo.”

Ganito ang nararanasan sa kahabaan ng Roxas Blvd. sa tuwing may pagsama ng panahon o bagyo. Kapag nagalit ang alon sa Manila Bay, tatangayin ang mga basurang lulutang-lutang at ibabalik ito sa kalsada. Kaya ang mga basurang itinapon ng mga walang disiplina magdudulot uli ng panibagong problema. Ang mga basura ring ito ang hahantong sa mga estero.

Noong nakaraang linggo, nagsagawa ng pag­lilinis sa Estero de Magdalena ang Metro Manila Development Authority (MMDA). Nagtulung-tulong para alisin ang napakaraming basurang plastic. Isinagawa ang paglilinis makaraang mag-viral sa social media ang estero. Dahil sa dami o kapal ng basura, maari nang maglakad sa ibabaw niyon na hindi malulubog.

Ngayon ay malinis na ang estero pero maaaring bukas o sa mga susunod na araw, tambak na naman ang basura roon. Balik na naman sa dati sapagkat walang disiplina ang mga nakatira.

Ang mga basurang iyon ang tatangayin muli sa Manila Bay at magpapaulit-ulit lamang ang tanawin. Isusuka ng Manila Bay ang basura sa Roxas Blvd at ibabalik din sa mga estero, kanal at iba pang waterways.

Nararapat makaisip ng solusyon ang MMDA at ang DENR kung paano madidisiplina ang mamamayan at magkakaroon ng takot na huwag magtapon ng basura sa waterways. Dapat kamay na asero ang gamitin para wala nang magtatapon ng basura na nagdudulot ng pagbaha. Kung hindi maghihigpit, walang katapusan ang problema. Ipatupad ang paglilipat o pag-aalis sa mga informal settlers. Bakuran ang mga gilid at pampang ng estero o ilog para hindi makabalik ang informal settlers na numero unong nagtatapon ng basura.

METRO MANILA DEVELOPMENT AUTHORITY

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with