INILIBING na kahapon si Fr. Richmond Nilo ng Zaragoza, Nueva Ecija. Binaril siya noong Linggo ng umaga habang nagmimisa sa Nuestra Señora de la Nieve Chapel. Ayon sa report, lumapit sa bintana ng chapel ang mga suspect at binaril ang pari. Dead on the spot si Father Nilo, 44. Mabilis na tumakas ang mga suspect sakay ng motorsiklo. Marami sa parishioners ang natulala sa pangyayari. Hindi nila inaasahan na ang paring nagmimisa ay papatayin. Marahas ang pagpatay sa pari.
Kahapon din, ipinrisinta ng Zaragoza PNP ang isang suspect sa pagpatay sa pari. Nahuli ang suspect sa isang barangay dakong alas singko ng madaling araw. Ayon sa PNP, kinilala ang suspect ng isa sa mga witness, ito raw ang bumaril kay Father Nilo. Tumutugma rin ang mukha nito sa cartographic sketch. Ayaw namang magsalita ng suspect. Sinampahan na siya ng kasong murder.
Hindi pa tiyak kung ang nahuli ay killer nga ng pari kaya hindi pa dapat magrelaks-relaks ang Zaragoza PNP. Ayon sa report, lima ang suspect sa pagpatay. Kailangang mahuli ang mga ito at panagutin sa batas. Hindi dapat tumigil ang PNP sa pagtugis sa mga suspect para maisilbi ang hustisya. Kapag walang napanagot sa kasong ito, hindi na makakaahon sa kumunoy ng kahihiyan ang PNP. Mapipintasan sila sa mahinang intelligence gathering. Nakunan ng CCTV ang mga suspect habang magkaangkas sa motorsiklo.
Sunud-sunod ang pagpatay sa mga pari. Noong Disyembre 4, 2017, pinatay si Fr. Marcelito “Tito” Paez, 72, sa Jaen, Nueva Ecija habang nagmamaneho ng kotse. Hanggang sa kasalukuyan, wala pang naaaresto sa mga pumatay kay Father Paez.
Noong Abril 29, 2018, binaril at napatay si Fr. Mark Anthony Ventura, sa Gattaran, Cagayan pagkatapos niyang magmisa. Hanggang ngayon, wala pa ring naaaresto sa pagpatay sa pari. Mukhang mapapabilang ang mga pagpatay sa kasong inagiw na sa mga hukuman. Hindi maisilbi ang hustisya. Mahina ang pulisya sa pagresolba sa mga karumal-dumal na krimen.
Nararapat maibigay ang kaukulang hustisya sa mga pinatay na pari. Hindi dapat makahulagpos sa kamay ng PNP ang mga killer.