HINDI pa pormal na idinideklara ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na tag-ulan na. Ang nararanasang mga pag-ulan sa hapon at gabi sa Metro Manila at karatig lugar ay dulot lamang ng localized thunderstorm. Mayroong minamataang low pressure area pero malayo pa ito at sabi ng PAGASA, hindi ito tatama sa lupa.
Kahapon ng hapon hanggang gabi ay umulan sa maraming lugar sa Metro Manila. Hindi naman gaanong kalakasan ang ulan. Pabugsu-bugso lamang ito. Pero hindi akalain nang marami na magdudulot ito nang pagbaha sa maraming lugar kabilang ang Rizal Avenue at R. Papa sa Maynila; Monumento, Balintawak at bahagi ng EDSA sa Caloocan City; Mother Ignacia at Araneta Avenue sa Quezon City.
Matindi ang baha sa Araneta Avenue at Mother Ignacia sapagkat hanggang baywang. Maraming sasakyan ang nalubog. Hindi madaanan ang dalawang kalye. Nasorpresa ang mga residente sapagkat hindi naman gaanong kalakasan ang ulan pero nagdulot ng ganun kalaking baha.
Hindi na bago ang problemang ito na laging binabaha ang maraming lugar sa Metro Manila. Ang nakapagtataka ay ang mabilis na pagtaas ng baha kahit kaunti lang ang buhos ng ulan. Ibig sabihin, malaki ang problema sa drainage system. Hindi na kayang lulunin ng mga imburnal ang tubig-baha. At tiyak na mayroong nakabara sa mga drainage. Posibleng basura o mga natuyong semento na inanod ng mga malalaking construction company.
Pawang basura ang nasa estero ngayon na itinapon ng mga walang disiplinang mamamayan particular ang mga informal settlers. Sa estero na sila deretsong nagtatapon ng mga plastic materials. Doon na rin dumudumi. Ang mga basurang plastic ay aanurin sa Manila Bay. Resulta: plastic pollution.
Posibleng natuyong semento ang nasa mga drainage. Sa kahabaan ng Araneta Avenue ay ginagawa ang Skyway. Tumatapon marahil ang mga semento nila at sumu-shoot sa mga nakangangang imburnal.
Dapat mag-inspeksiyon ang MMDA at DPWH sa mga lugar na nabanggit.