Problema sa agrikultura

BUKOD sa pangingisda, pagsasaka ang isa sa mga pangu­nahing pangkabuhayan ng mga Pilipino. Sa katunayan, marami sa ating mga produkto ang ine-export sa iba’t ibang bansa dahil sa kalidad nito.

Pero sa kabila nito, marami pa rin sa mga anak ng magsasaka ang tuluyan nang nawawalan ng interes sa pagsasaka o agrikultura. Nawalan ng ganang ipagpatuloy ang hanapbuhay na sinimulan ng kanilang mga magulang. Kahit kasi anong klaseng pagsisikap, nanatili pa rin silang isang kahig, isang tuka. Kaya ‘yung iba, isinumpa at tinalikuran na ang lupa.

Ito ang dahilan kung bakit ang mga tao sa probinsiya, nakikipagsiksikan at nakikipagsapalaran sa Maynila. ‘Yung iba nga, sa ibang bansa pa nagbabakasakali. Mas pinipiling mamasukan at utos-utusan ng iba kaysa magsaka.

Patunay dito ang istorya ng magkaibigang John Homer Valenzuela at Adelbert Reyes mula sa probinsiya ng South Cotabato. Bilang mga anak ng magsasaka, naranasan nila ang hirap na pinagdadaanan ng kanilang mga magulang.

Tiyempo namang may isang recruiter na napadpad sa kanilang lugar na nag-alok ng trabaho sa kanila. Dahil dito agad silang gumawa ng paraan para makaipon ng pera. Pero pagdating sa Maynila, ang pangakong trabaho di pala totoo!

Pagkababa pa lang ng bus sa isang terminal sa Cubao, agad na silang sinalubong ng dorobo. Hiningian ng tig-P5,000 at pinaghintay lang ang mga ito. Pero ilang araw na ang lumipas, di na sila binalikan ng kausap.

Limang araw nagpalabuy-laboy sa kalakhang Maynila, walang ligo at wala ring makain. Masaklap nito, nanakawan pa ang dalawa habang natutulog sa kalsada. Mabuti na lang at napadpad sila sa aming tanggapan kaya aming natulungan.

Isa lamang ‘yan sa mga libu-libong kwento ng mga magsasakang Pilipino. Seryoso ang usaping ito at kinaka­ilangan ng masusing pag-aaral para masolusyunan. Dapat magkaroon ng plano ang gobyerno para mas mapaigting at mapayabong pa ang industrya ng agrikultura sa bansa.

Problema kasi, ‘yung mga nagiging pinuno ng Departamento ng Agrikultura, ‘walang matitinong proyekto. Mga putragis na trapo, ginagawang stepping stone ang puwesto para sa ambisyong maging pulitiko. Tapos ang apektado, ‘yung mga nasa pinakamababang estado.

Show comments