EDITORYAL - Dati nang problema bumulaga sa pasukan

NAGBUKAS kahapon ang school year 2018-19. Dumagsa sa mga eskuwelahan ang may 23 mil­yong estudyante (kindergarten hanggang senior high school) sa pampublikong eskuwelahan. Sa Lunes, inaasahang daragsa naman ang mga estud­yante sa pribadong eskuwelahan kasama ang mga nasa kolehiyo.

Walang ipinagkaiba ang pagbubukas kahapon ng mga pampublikong eskuwelahan sa mga naka­raan. Sinalubong nang dati pa ring problema --- ang kakulangan ng mga classroom. Walang pagbabago. Ang problema noon ay problema pa rin hanggang ngayon sa kabila na sinasabi ng Deparment of Education (DepEd) na nasolusyunan na ang kakapusan sa mga silid-aralan.

Kailangan pang mag double-shift ang mga estudyante para makagamit ng classroom. Isa sa umaga at isa sa hapon. Kung hindi ganito ang gagawin, magsisiksikan ang mga estudyante sa isang classroom at hindi ito maganda sapagkat wala silang matututuhan. Ayon sa report, ang kakapusan ng classrooms ay dahil sa K-12 program. Naagaw ng may 1.4 milyong senior high school ang classrooms. Pero sabi ng DepEd maaari nang gamitin ang may 28,000 na bagong classrooms para sa senior high.

Isa pang problemang bumulaga sa mga estud­yante sa pampublikong eskuwelahan ay ang kakapusan ng mga libro. Ayon sa report, kapos ng 127.9 milyong libro ang public schools. Sabi ng mga guro, kailangan pa nilang magluwal ng sariling pera para sa photo copying o pagsi-xerox ng mga libro at iba pang instructional materials para sa kanilang mga estudyante.

Ang isang positibong balita sa pagbubukas ng klase kahapon ay ang kasapatan ng mga guro para sa public schools. Maraming nag-aplay na guro mula nang ianunsiyo ng Department of Budget and Management na nangangailangan ng 75,000 teachers­ para sa kindergarten at elementarya.

Pero hindi rin magiging matagumpay kahit mara­ming guro kung kulang naman sa classrooms at libro. Kung nagawang mag-hire nang maraming guro, dapat magpagawa rin nang maraming classroom at mag-print nang maraming libro. Ano ang silbi nang malaking budget na nakalaan sa DepEd. Gamitin ito para sa ikauunlad ng edukasyon ng mga bata.

Show comments