MULA Marso, nakaka-sampung pagtataas na ng presyo ang gasolina at diesel. Nag-rollback kahapon ang presyo ng petroleum products pero babawiin uli ito sa susunod na linggo. Umaabot na sa P57 ang presyo ng gasoline at P51 ang diesel. Kapag umabot sa $80 ang presyo ng bawat bariles ng langis, lalo nang malulumpo ang mga karaniwang mamamayan.
Walang ibang apektado nang pagtataas ng petroleum products kundi ang mga kakarampot ang suweldo. Kapag nagtaas ang gasolina, papalo ang presyo ng mga pangunahing bilihin gaya ng bigas, sardinas, mantika, asukal, itlog, gulay at marami pang iba. Katwiran ng mga negosyante, nagmahal ang delivery ng mga produkto kaya nagtaas sila ng presyo.
Ang pagtaas ng presyo ng petroleum products ay isinisisi sa malaking tax na ipinapataw dito dahil sa TRAIN law na ipinatupad noong Enero. Dahil sa mataas na tax na sumabay naman sa paggalaw ng presyo ng langis sa world market kaya nagpresyong “ginto” ang petroleum products ngayon sa bansa.
Marami nang nagtaas ng pangunahing bilihin na isang paglabag sa batas at sa ipinasusunod na suggested retail price. Pero tila hindi namamalayan ng Department of Trade and Industry (DTI) ang ginagawa ng mga ganid na negosyante. Halimbawa na lamang ay ang presyo ng sardinas na mula Enero ay nagmahal na at kung hindi mapipigil, maaari pang tumaas. Nagmahal na rin ang presyo ng mantika ayon sa isang report.
Pero sabi ng DTI, patuloy silang nagmo-monitor sa presyo ng mga bilihin at wala naman silang nakikitang pandaraya. One hundred percent compliance raw ang mga manufacturer ng basic goods. Hindi umano sila natutulog at laging alerto sa mga mandaraya. Noong nakaraang linggo, ipinag-utos ni President Duterte na arestuhin ang mga magtataas ng bilihin.
Kung kailan may krisis o kagipitan, saka naglulutangan ang mga ganid na negosyante. Parang mga buwitre na nag-aabang nang masisila o mabibiktima. Kung talagang hindi natutulog ang DTI bakit may mga establishment na nagtataas ng presyo ng kanilang paninda. Nagsasamantala sila at hindi nalalaman ng DTI. Nararapat na magkaroon ng hotline ang DTI para maireport agad ng consumers ang pagtataas ng mga bilihin. Gawin ng DTI ang kanilang trabaho. Kawawa naman ang publiko.