WALANG ibang apektado nang pagtaas ng bilihin kundi ang mga mahihirap na kakarampot ang kinikita. Sa kasalukuyan, ang minimum wage sa Metro Manila ay P512 samantalang sa probinsiya ay P255. Pero mula nang sunud-sunod na magtaas ang presyo ng petroleum products noong Marso, ang kinikita ng mga minimum wage earners sa Metro Manila ay hindi na makasapat. Tumaas din ang mga pangunahing bilihin gaya ng bigas, sardinas, mantika, asukal at iba pa. Wala nang natitira sa sahod ng mga manggagawa. Hindi nga kinakaltasan ng tax dahil sa TRAIN law ang kanilang sahod pero napunta naman sa mahal na bilihin at sa bayad sa tubig at ilaw na nagmahal din. Kaya, maraming mambabatas ang nagmumungkahing suspendihin ang TRAIN law. Ito raw ang dahilan kaya sumipa ang mga presyo ng bilihin. Mahal ang tax sa petroleum products.
Pero sabi ng Malacañang, hindi sususpendihin ang TRAIN law o maski ang pag-alis sa tax ng petroleo. Maraming masasagasaan kapag sinuspinde ang mga ito. Isa sa sinabing dahilan ay ang pagpondo sa “build, build, build” project ng pamahalaan.
Kahapon ay nagtaas na naman ng presyo ang gasoline at diesel. Mula Marso 6 hanggang Mayo 30, 10 beses nang nagtaas ng presyo ang gasoline at diesel. Umaabot na sa mahigit P10 ang total na itinaas sa gasoline at P11 naman sa diesel.
Kung ayaw ng pamahalaan na suspendihin o kaltasan man lang ang excise tax ng petroleum products, dapat agaran naman nilang itaas ang sahod ng mga manggagawa para makaagapay sa mataas na bilihin. Humihiling ang labor group na gawing P750 ang minimum wage. Sabi naman ng Malacañang maaaring 30 araw bago ito mapagpasyahan.
Apurahin ng labor department ang adjustment ng sahod. Kawawa naman ang mga kakarampot ang kita. Pagaanin ang kanilang pasanin.