Pabigat
RAMDAM na talaga ang mahal na bilihin. Gasolina, kuryente mataas. Napansin ko rin na mas nagmahal ang grocery namin. Ang parehong listahan ng bilihin ay mas mahal na. Pati ang inumin sa sari-sari store ay tumaas din ang presyo. Tingi-tingi na nga raw mamili ang tao. Sa bigat ng nararamdaman ng bayan, tanging ang gobyerno lang ang masaya, dahil sa itinaas ng buwis. Dahil sa TRAIN.
Hindi rin nakakatulong ang pagtaas ng presyo ng langis sa mundo, pati ang paghina ng piso sa dollar. Ang pagbawas ng produksyon ng langis mula Iran at Venezuela ang nagtataas ng presyo ng langis. Pero hindi maitatanggi na mas pinabigat pa ng TRAIN. Malaki ang ipinataw na excise tax sa gasolina at krudo. Kaya naman may mga nananawagan nang suspindihin ang TRAIN, kung hindi ang buong programa ay sa buwis na ipinataw sa langis, para maibsan ang matataas na presyo.
Pero kung ang administrasyon ang tatanungin, hindi na puwedeng tanggalin ang TRAIN at madidisgrasya lang ang mga programa ng administrasyon, partikular sa imprastraktura. Ilang proyekto ang lalagdaan na lang ni Duterte para masimulan na. Dahil nabawasan din ang ibinabayad na personal na buwis, hindi puwedeng itigil ang TRAIN. Kaya ano ang sinasabi ng gobyerno sa bansa? Magtiiis na lang, at para sa bansa naman. Madaling sabihin, mahirap gawin.
Ayon sa ilang mambabatas, masususpindi ang excise tax sa langis kapag umabot na ng $80 kada bariles. Pero ayon naman sa DOF, hindi raw. Ang suspendido lang ay ang nakatakdang karagdagang buwis na ipapataw sa taong 2019 at 2020, at hindi ang ipinataw na ngayon. Siguradong magkakaroon ng diskusyon sa isyu na ito, lalo na’t papalapit na nga ang presyo ng langis sa $80 kada bariles. Hindi rin nalalayo ang paghiling ng mga pampasaherong sasakyan ng dagdag-pasahe, dahil sa taas ng presyo ng langis. Kapag naganap iyan, mas pabigat pa sa publiko.
- Latest