TINANONG ko kung ano ang pag-uusapan ng delegasyon ng Pilipinas sa Hawaii, sa pagpalit ng mga bagong opisyal ng US Pacific Command (Pacom). Nataon na lumapag na ang H-6K bombers ng China sa Woody Island nang maganap ang pagpulong. Ang H-6K ay maaaring magdala ng nuclear na bomba. Ayon sa Palasyo, nakababahala, pero hindi banta. Pinaliwanag ng delegasyon sa mga opisyal ng US Pacom ang diskarte ng administrasyong Duterte. Sa isyu ng South China Sea, “banayad na diplomasya ang ginamit ng administrasyong Duterte na nagpababa ng tensyon sa rehiyon at nagresulta sa magandang ekonomiya para sa Pilipinas sa pamamagitan ng mga mapagkukunan sa dagat, proteksyon ng ekolohiyang karagatan, at ang potensyal na masuri ang mga mapagkukunan ng langis at gas”. Sa madaling salita, hindi na umimik, para makatanggap ng tulong-pinansyal, at para payagan tayong makapangisda at masuri ang sariling karagatan.
Sa kabila naman daw ng mga batikos at paminsang pagmumura ni Duterte sa Amerika, nananatiling kaalyado raw ng Pilipinas ang Amerika. Pinatibay ang relasyon, at ang Mutual Defense Treaty. Mga mataas na opisyal ng gobyerno ang nasa Hawaii, pero wala si Duterte. Nandito sa bansa, at may nasabi muli tungkol sa mga Amerikano. Sa isang talumpati sa Talisay City kung saan nagsimula ang programang pabahay, naririnig ng mga sundalo mula sa kanilang Commander-in-Chief na sa kabila ng pakikipagkaibigan sa mga Amerikano, dapat mag-ingat sila at hindi raw “consistent”. Mga “bigots” daw o sa madaling salita, ang tingin sa sarili ay sila ang laging tama. Iba talaga ang mga sinasabi ng opisyal ng gobyerno sa harap ng mga Amerikano, iba naman ang sinasabi ng Pangulo ng Pilipinas sa mamamayan.
Iba naman ang tingin ng mga Amerikano sa sitwasyon sa South China Sea. Sinabi ni Adm. Philip Davidson ng US Pacific Command sa US Senate Armed Services Committee na kakailanganin ng mas maraming sundalo, at dagdagan ang presensya ng Amerika para tapatan ang lakas-militar ng China sa rehiyon. Sa ngayon, naka posisyon na ang China para talunin ang sinomang bansa na umaangkin sa mga isla. Malinaw na lumabag ang China sa mga kasunduan na hindi ipatutupad ang militarisasyon ng rehiyon. Pero sa sitwasyon ngayon, wala na talagang pakialam ang China sa sinomang bansa na umalma. Kailangan ng panabla. Sino pa ba iyan?