NANG mag-umpisa sa 2016 ang termino ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte, alam ng lahat na anim na taon ang kanyang itatagal sa puwesto. Sa dalawang katuwang nitong kagawaran ng gobyerno, iba ang sitwasyon. Ang Hudikatura ay pinamunuan ni Chief Justice Ma. Lourdes P.A. Sereno na hanggang 2030 dapat ang panunungkulan. Sa Lehislatura, ang kanilang mga pinuno – sina Senador Aquilino Pimentel III sa Senado at Congressman Pantaleon Alvarez sa Kongreso – ay walang takdang termino. Mananatili lamang sila sa puwesto habang hindi pinapalitan ng mayorya ng miyembro ng kani-kanilang kamara.
Sa ikalawang taon ng Duterte administration, iba na ang larawan ng ating matataas na opisyal. Nariyan pa rin si Pangulong Digong sa Ehekutibo. Sa Lehislatura, may bago na tayong Pangulo ng Senado, ang batikang si Senador Vicente Sotto III. Sa Hudikatura naman, biglang nawalan tayo ng Punong Mahistrado dahil si Chief Justice Sereno ay tinanggal ng mismong mga kasamahan.
Garapal ang kaibahan ng pagbalasa ng liderato sa dalawang institusyon. Sa napaka-pulitikal na pugad ng mga ulupong – itago natin sa pangalang Senado – ay nagkaroon ng mapayapang turnover ng puwesto. Sa kasaysayan ng institusyon, madalas nagiging mainit ang bangayan at nagkakaroon ng matinding samaan ng loob pag napapag-usapan ang re-organization. Hindi ito nangyari sa pagbigay-daan ni Senate President Koko Pimentel upang mamuno ang bagong Senate President.
Sa nakasanayan namang tahimik at mapayapang departamento ng pamahalaan, itago natin sa pangalang Supreme Court, biglang sumabog ang pinakamasidhi at nakagugulat na alitan. Mismong ang mga mahistrado ang nagkaharap na nagbunga ng bagong salitang interpretasyon ng batas. Sa kabila ng pagtakda ng Saligang Batas na impeachment lamang ang paraan upang matanggal ang isang mahistrado, maari rin daw itong kuwestiyunin sa pamamagitan ng quo warranto, isang remedyong hango lamang sa Rules of Court.
May paniwala man tayo o wala sa anyo ng ating mga opisyal o sa paraan kung paano sila pinalitan, hindi maaring ikaila na, sa huli, mga desisyong ito ng mga institusyong kanilang kinabibilangan na kailangang bigyan ng kaukulang timbang.