PANAHON na para tutukan ang mga proyektong pabahay para sa mga biktima ng kalamidad. Bukod sa superbagal ang paggawa sa mga proyekto ng nagdaang administrasyon, mga ampaw ang itinayong bahay. Kaya ang hiling nila kay Pres. Rodrigo Duterte, habulin at panagutin ang Aquino administration at mga kontraktor ng pabahay. Halimbawa ay ang mga bahay para sa mga sinalanta ng Typhoon Yolanda sa Tacloban. Milyon ang pondong naibulsa ng mga gahaman pero hindi matirahan ng mga biktima roon. Hindi kaya nakukonsensiya ang mga dupang?
Nang maupo ni Rep. Alfredo Abelardo Benitez bilang Housing Committee chairman sa Kongreso, idineklara niya na “Lahat nang pamilyang Pilipino ay dapat mayroon ng maayos na bahay na tirahan.” Sa unang araw ng imbestigasyon ng Kamara sa Zamboanga Resettlement program naging viral sa social media nang bumigay ang footbridge habang naroon sina Rep. Benitez, Mayor Isabel Climaco-Salazar ng Zamboanga City at Rep. Celso Lobregat. Iyon pa lang malinaw na may pagkukulang na ang kontraktor nito kaya agad na pinatawag ang mga opisyales ng NHA na nangangasiwa sa proyekto.
Tulad ng inaasahan, naghugas kamay ang mga ito upang mapakalma ang galit nina Benitez, Salazar at Lobregat. Sabi ni Benitez, “Kaya nga kami nagpunta roon para mag-imbestiga sa kalagayan ng mga bahay sa naturang proyekto. Maraming nakarating na reklamo na substandard ang pagkagawa ng mga bahay doon. Eh yung footbridge pa lang bumigay na. Mabuti na lang walang nasaktan sa amin. Paano na kung may nasaktan o may namatay? Sinong mananagot?”
Sagot ng spokesman ng NHA na si John Muhamod, ang dapat umano managot ay ang contractor ng NHA na gumawa ng footbridge dahil hindi pa ito nai-turn over ng contractor sa NHA. Agad naman bumuwelta si Benitez na batay sa principle of command responsibility walang ibang mananagot kundi ang NHA. Nalaman sa testimonya ng ilang residente sa Zamboanga resettlement na maraming diperensiya ang mga bahay. Bukod pa roon, lima hanggang anim na taon ang inabot, bago sila nagkaroon ng tubig at ilaw. Sabi ni Benitez. “Itutuloy ko ang imbestigasyon na ito. Hindi ako titigil hangga’t hindi matukoy ang mga problema sa mga proyektong binuhusan ng milyong piso. Gagawin ko ang lahat para makita ang puno’t dulo ng mga anomalyang isinusumbong sa aking tanggapan.”