ANO ba talaga ang nangyayari sa isang lugar sa Boracay? Lumabas sa balita na tila pinapatag ang isang bundok sa Barangay Yapak. Nakunan pa ng video ang backhoe na patuloy na bumubungkal ng lupa sa nasabing lugar. Mayo 11 nakunan ang video, higit isang linggo nang isara ang Boracay. Ayon pa sa mga residente, mula umaga hanggang gabi ang trabaho.
Pero tila itinatanggi ng DENR ang nasabing pagpatag ng bundok. Ayon kay DENR Sec. Roy Cimatu, ginawa ang pagpatag ng bundok bago mag-Abril 26, ang araw ng pagsara sa Boracay, pati na rin ang pagtigil sa lahat ng trabahong konstruksyon. Sinegundahan pa ni DENR Usec. Leones. Baka noong isang buwan pa nakunan ang nasabing video.
Mas marunong kaya sila sa mga residente? Bakit mas marunong sila sa kumuha ng video, ng litrato. At hindi ba nila naisip na mapapansin ng mga residente ang ginagawang trabaho roon, kahit sarado na nga ang Boracay? Ang akala ba nila ay tatahimik na lang? Sa dami-dami ng mga pulis at sundalo sa Boracay, bakit hindi utusan ng DENR na puntahan ang lugar at alamin na? O alam na nila kung sino ang may-ari ng lugar na pinapatag, kaya hindi pinupuntahan? Kaya ba may pulis at sundalo, para manakot? Ito ba ang dahilan kung bakit binabantayan ang paglabas-pasok ng mga residente, pati na rin ang paghigpit sa media? Sa ngayon ay ayaw lumantad ang mga residenteng nagrereklamo dahil gobyerno nga raw ang binabangga. Ang magagawa na lang nila ay ang patuloy na pag-ulat sa mga nagaganap sa nasabing lugar. Dapat nilang tapatan ng pahayagan ng araw kung kailan kinunan ang video, para maniwala na ang DENR.
Kung totoo ang mga nagaganap na trabaho sa nasabing lugar, malinaw na paglalabag ito sa mga alituntunin sa pagsara ng Boracay. Hindi rin maganda ang mga pahayag ng DENR mismo, sa kabila ng mga ebidensiyang ipinakita. Ano na nga ba ang nangyayari sa rehabilitasyon ng Boracay? Ito siguro ang dapat maulat din ng mga residente. Ilang araw na lang, isang buwan nang sarado ang Boracay.