1. Anu- ano ang check-ups na dapat isinasagawa kay Nanay? Para saan ito?
Sagot: Kung si Nanay ay edad 40 pataas, kailangan niya ng check-up. Kung wala pang 40, pero may lahi ng sakit sa puso, diabetes o kanser, kailangang magpacheck-up ng maaga.
a. Magpa-blood test bawat taon – Complete blood count (para malaman ang dami ng dugo), creatinine (para sa kidneys), uric acid (para sa arthritis), cholesterol (para sa puso), fasting blood sugar (para sa diabetes), at SGPT (para sa atay).
b. Urinalysis – Para masuri kung may impeksyon sa ihi o sakit sa kidneys.
c. Chest X-ray - Para makita ang baga at puso.
d. Alamin ang BP –Ang normal na blood pressure ay hindi tataas sa 120 over 80.
e. Bantayan ang suso – Ayon sa American Cancer Society, lahat ng mga babae ay kailangang mag-examine ng kanilang suso sa edad 20 pataas. Kapag 35 ka na, magpa-mammogram o ultrasound ng suso bawat 2 taon.
f. Magpatingin sa OB at magpa-Pap’s smear – Sa mga may asawa o nagtatalik na, kailangang mag-pa-Pap’s smear test at magpa-examine ng puwerta (pelvic exam) sa OB-gyne. Binabantayan ng doktor ang kanser sa matres at impeksyon sa puwerta. Kadalasan ay bawat 3 years.
2. Ano ang madalas na nagiging sakit ng mga nanay? Paano ito maiiwasan?
Sagot:
a. Pangkaraniwan ay nagkakaroon ng altapresyon, diabetes o sakit sa puso mula sa edad 40 o 50.
b. Bantayan ang kanser sa suso at matris, mula edad 40 pataas.
c. Uminom ng Calcium tablets – Pagkatapos ng menopause (mga edad 50), kailangan ng mga kababaihan na uminom ng calcium tablets. Osteoporosis (marupok na buto) ang pangkaraniwang sakit ng mga babae. Ang calcium ay pampalakas ng buto. Kaya habang bata pa, maganda rin na uminom ng gatas, tulad ng skim milk, para tumibay ang buto.
d. Huwag magpataba – Ayon sa pagsusuri, may 40% ng kababaihan ay lampas sa timbang. Magbawas sa kinakain at mag-ehersisyo.
3. Magbigay ng halimbawa ng healthy meals para kay Nanay.
Sagot:
a. Almusal – pandesal, low fat milk (may calcium), at isang itlog (protina).
b. Tanghalian – sardinas (calcium at vitamin D), 1 tasang carrots (laban sa breast cancer), 1 tasang avocado (para sa kutis) at 1 cup kanin.
c. Hapunan – sinigang na manok na may gulay (protina), 1 tasang talbos ng kamote o kangkong (low calorie at high fiber), 1 hiwang pakwan at 1 cup kanin.
d. Meryenda - saging, mansanas o yogurt.
e. Sapat na tubig.