MALIBAN na lang kung may mabigat na dahilan, ang ating karapatan sa pagboto ay dapat gampanan. Hindi lang ito isang karapatan na puwedeng gampanan o hindi. Tungkulin at pananagutan ng bawat Pilipino na lumahok sa halalan dahil dito’y pipiliin ang mga taong uugit o mamumuno sa ating bansa.
Kahit ang barangay elections ay isang halalang mahalaga na dapat lahukan ng bawat mamamayang nasa wastong gulang ng pagboto. Ang mga leader ng ating komunidad ang siyang dinudulugan natin kapag may mga problemang kinakaharap sa ating lipunan. Kung may magkakapamilya o magkakapitbahay na may alitan, sa barangay muna dumu-dulog imbes na magdemandahan sa pagasang magkaroon ng mapayapang pagkakasundo o amicable settlement.
Ngunit bakit pinalampas ni Presidente Duterte ang kanyang karapatang bumoto sa barangay elections? Noong una ay walang paliwanag ang Malacañang, pero ang Pangulo mismo ang nagsalita para sabihin ang rason kung bakit hindi siya bumoto.
Aniya, pareparehong kaibigan niya ang mga kumandidato na sumuporta nang siya ay kumandidato sa pagka-pangulo. Sa tingin ko, napakababaw na dahilan ito para palampasin ng ating pinakamataas na leader ng bansa ang obligasyong bumoto. Hindi siya nagsisilbing magandang halimbawa sa taumbayan na maaaring pamarisan siya at hindi na lang boboto sa mga darating na halalan.
Kahit wala tayong nagugustuhang kandidato, hindi natin dapat pabayaan ang ating pagpunta sa mga presinto dahil kung mangyayari iyan, malakas ang posibilidad na may ibang taong bumoto para sa atin na nangyari nito lang katatapos na halalan dahil ang mga botante ay hindi man lang hinihingan ng ID. Kung wala tayong nagugustuhan, lagyan na lang ng malaking ekis ang ating balota para hindi na magamit ng sino mang flying voter ang ating pangalan.