EDITORYAL – Hindi handa sa bgy. elections
MARAMING botante ang wala sa listahan. Nasayang lang ang oras nila sa paghahanap sa pangalan pero hindi matagpuan. At dahil hindi makita at napagod na, umuwi na lang ang botante. Kung alam lang daw na wala ang pangalan, hindi na nag-aksaya ng oras sa pagtungo sa presinto. Maaga pa naman daw silang nagtungo sa kanilang presinto at ganun lang pala ang kahihinatnan.
Balik sa dating problema sa araw ng election na wala sa listahan ang pangalan. Tuwing election ay ganito ang problema at hindi naman gumagawa ng paraan ang Commission on Election (Comelec) para maresolba ang problemang ito. Maraming nadismaya kahapon dahil wala sila sa listahan. Karamihan ay nagsabing bumoto naman sila noong 2016 Presidential elections kaya nagtataka sila kung bakit nawala sa listahan ang kanilang pangalan.
Hindi preparado ang mga taga-Comelec at maski ang mga guro na katulong nila. Unang-una, walang gumagabay sa botante kung paano makikita ang kanilang pangalan. Wala ring nagtuturo kung nasaan ang presintong bobotohan. Kaya sa inis dahil hindi makita ang pangalan, may napapaaway sa watchers. May nagsisigawan dahil sa pakikipagsiksikan para lamang mabasa ang alphabetical listings ng pangalan. Mayroong ayaw magpasingit sa pila.
Maraming naging problema sa idinaos na barangay at Sangguniang Kabataan elections. At walang masisisi kundi ang Comelec dahil hindi sila preparado. Nangibabaw pa rin ang lumang problema na maraming botante ang wala sa listahan.
Sa susunod na taon ay midterm elections na. Kung sa barangay at SK elections ay hindi ang Comelec, paano pa kung election para sa mga senador at mayor ang idaraos. Baka lalo nang magkalabu-labo ang mga pangalan ng mga botante.
- Latest