Patrol

NAGKAROON ng joint maritime patrol exercise ang Japan at Pilipinas kamakailan. Nagpatrol ang mga eroplano sa South China Sea malapit sa Palawan. Dalawang Kawasaki P-1 ng Japan Maritime Self Defense Force (JMSDF) at isang C-90 ng Philippine Navy. Ang C-90 ay bigay rin ng Japan. Kinunan ng sumusunod na P-1 ang da­lawang eroplanong lumilipad. Inilagay pa sa facebook page ng JMSDF. Mabuti at may eroplano na tayong nagagamit para makapagpatrol kahit napakaliit katabi ng P-1. Kitang-kita lang ang layo ng kagamitan ng dalawang bansa. Ganun pa man, mabuti at may C-90 na tayo.

Sigurado ako hindi nila sinubukan lumipad sa himpapawid kung saan sisitahin sila ng China. Pero ang tanong nga ay bakit? Bakit sila sisitahin? Bakit sisitahin ang mga eroplano na lumilipad sa malayang himpapawid? Dapat nga nagtungo sila kung saan naglagay na raw ng anti-ship at anti-aircraft missiles ang China, para kumpirmahin. Ayaw siguro ng mga piloto ng JMSDF at may alitan din sa China ang Japan. Magpatrol naman kaya ang mga C-90 natin sa mga lugar malapit sa mga isla kung saan nilagyan na umano ng mga missiles? Paano masasabing teritoryo natin ang mga iyan, kung hindi mapapatrulyahan?

Pero ganito dapat ang ating madalas na ginagawa. Mga ehersisyo kasabay ng mga kilalang kaalyado. Kasalukuyang nagaganap din ang Balikatan 2018, kung kasama ng mga Pilipinong sundalo ang mga Amerikano na mag-ehersisyo. Taun-taon ginaganap ang Balikatan. Mabuti nga at natuloy pa rin sa kabila ng mga pahayag ni President Duterte na wala nang mga ehersisyo kasabay ng mga Amerikano. Ang Amerika pa rin ang pinakamahalagang kaalyado ng bansa. May mga kasunduan sa pagitan ng dalawang bansa. Sa panahon ngayon, dapat talaga pinatitibay ang relasyon na iyan, imbes na ilayo para paboran ang China at Russia. Ayon pa sa Philippine Marines, magkakaroon sila ng mga amphibious vehicles sa susunod na taon, kaya mahalaga ang mga ehersisyong ito. Binabantayan kaya ng China ang mga ehersisyo na iyan? Kaya ba may nakunang litrato ng mga eroplano at barkong pandigma sa mga artipisyal na isla?    

Show comments