MARAMING nilalabag na batas ang mga kandidato sa barangay at Sangguniang Kabataan at tila hindi na ito pinapansin ng Commission on Elections (Comelec). Hinahayaan na lamang ba dahil barangay elections lang ito? Puwede nang hindi pansinin dahil sa barangay lang naman. Wala namang nagrereklamo kaya okey lang na hindi pag-ukulan ng pansin.
Kapansin-pansin na nilalabag ng mga kandidato ang nakasaad sa Fair Election Act na may tamang sukat ang campaign materials na ididikit o isasabit. Nararapat na 8 ½ inches ang lapad at 14 inches ang haba ang nararapat. Kapansin–pansin na sobra sa haba ang mga nakakakabit na posters at idinidikit ang mga ito sa mga pinagbabawal na lugar.
May mga streamer na malaki sa takdang size at nakakabit na o nakasabit sa mga sanga ng puno. Mayroong mga nakasabit sa cable wire o sa mismong stop light.
Nakasaad sa batas na dapat gumastos lamang ang kandidato ng P5 bawat registered voter sa kanyang barangay. Pero hindi ito nasusunod sapagkat may mga kandidatong lantaran ang pamumudmod ng pera at kung anu-ano pa sa mga residente para lamang makakuha ng boto. May report na bag of groceries ang pinamumudmod ng kandidato sa kanyang tatakbuhang barangay. Meron din naman umanong de-lata, bigas at sabon ang nasa supot na pinamumudmod ng kandidatong barangay chairman.
Noong nakaraang linggo pa nagsimula ang kampanya at habang papalapit ang election, lalo pang dumarami ang lumalabag sa Fair Election Act. May ginagawa ba ang Comelec ukol dito? Dapat kastiguhin ang mga lumalabag na kandidato. Kung ngayon na kandidato pa lamang sila ay may mga paglabag na, paano kapag nakaupo na sila.
Maging mapag-obserba naman ang mga botante. Isama sa kuwalipikasyon ng iboboto ang pagiging disiplinado sa pagkakabit ng campaign posters. Huwag iboto ang mga kabit dito, kabit doon na isang paglabag sa election laws.