EDITORYAL - Maraming walang trabaho

SA survey ng Social Weather Stations (SWS) na ginawa noong Marso 23-27, lumalabas na 10.9 milyon ang mga Pilipinong walang trabaho. Mataas ito kung ikukumpara sa mga jobless noong Dis-yembre 2017 na 2.2 milyon.

Ang kawalan ng trabaho, pagtaas ng bilihin, labis na kahirapan at violations ng karapatang pantao ang isinigaw ng mga rallyists sa pagdiriwang ng Labor Day noong Martes. May tumuligsa kay President Duterte sapagkat hindi nito tinupad ang pangako na wawakasan na ang “endo”. Hindi raw Executive Order (EO) ang inaasahan nilang gagawin ni Duterte lalo’t sinabi niya noong nangangampanya pa lamang na puputulin na niya ang “endo”. Bakit daw kailangan pang ipasa sa mga mambabatas ang pagpapatigil sa “endo”? Sa naramdamang pagkadismaya ng mga rallyists, sinunog nila ang effigy ni Duterte.

Maraming walang trabaho sa kasalukuyan at ikinagulat ito nang marami nang sabihin ni Duterte na umuwi na ang mga OFW sa Kuwait sapagkat may naghihintay na trabaho sa kanila. Maunlad na raw ang ekonomiya kaya marami nang trabaho. Ang paghikayat ni Duterte na pauwiin ang OFWs sa Kuwait ay dahil sa sigalot na nangyari makaraang i-rescue ng embassy officials ang minamaltratong domestic helpers doon. Nagkaroon ng lamat ang dating magkaibigang bansa.

Saan daw kukuha ng trabaho ang Presidente gayung marami nga ang walang trabaho sa bansa sa kasalukuyan. Nagbibiro raw ba si Duterte? Hindi kaya lalong malubog sa hirap at makadama ng gutom ang mga pinauuwing OFWs mula sa Kuwait?

Sinabi ng Presidente na magluluwal din nang maraming trabaho ang mga gagawing inprastruktura sa ilalim ng “build, build program” ng kanyang administrasyon. Maraming bansa ang nangako ng investments at isa na rito ang China.

Pero kahit maraming gagawaing inprastruktura sa bansa, kulang pa rin ito sapagkat marami ang walang trabaho. Hindi naman maaaring isaksak sa constructions ang mga walang trabaho. Kaya hindi sasapat ang sinasabing pag-boom ng inprastruktura sa bansa.

Ang isang dapat pagtuunan ng pansin ng administration ay ang sektor ng agrikultura. Narito sa sector na ito ang maraming trabaho. Ito ang tutulong para mag-boom ang ekonomiya.

Show comments