Sabotahe?
NASA Singapore ako noong April 25 to 29 para sa 32nd ASEAN Leaders Summit na dinaluhan naman ni President Duterte.
At parati naman na sa mga lakad ng Presidente sa ibang bansa maging state o working visit ay dinadaos na rin ang isang pakikipanayam niya sa Filipino community (Filcom) sa mga nasabing lugar.
Ang Filcom meetings na kasama si President Duterte ang pinakaaabangan ng ating mga kababayang OFWs. Karamihan nga sa kanila ay lumiliban sa kanilang trabaho kung nagkataon namang hindi nila day off.
At ang Filcom meeting noong April 28 sa Big Box Mall sa Singapore ay hindi kaiba sa mga nagdaang Filcom na nakasanayan na rin naming i-cover.
Ngunit ito ang problema --- nang dumating kami sa venue sa Big Box Mall, ay hindi pa nga umabot sa kalahati ang expected na OFW na dadalo -- na may tinatayang 6,000 ayon sa Philippine Embassy sa Singapore.
Sinabi ni Ambassador Joseph Del Mar Yap na unang araw, may mga dalawang linggong nagdaan, pa nga ng pag-upload ng announcement ng Filicom meeting ay agad naubos ang 1,000 slots sa mga nagpa-register na dadalo.
Kaya nang dumating kami sa Big Box Mall noong hapon ng April 28 nagtaka ako bakit mas marami ang bakanteng upuan.
Ang ginawa nga ng mga organizer ay pinatay ang ilaw sa may likuran at kinuhanan na lang nga mga bakanteng upuan upang hindi halatang konti lang ang tao ikumpara sa expected na audience.
At doon ko nalaman na kaya pala ganun, kasi may nagpakalat na pupunta si President Duterte sa Lucky Mall sa ganoong oras ding yon kung kailan naka-schedule ang Big Box Mall Filcom event.
Eh, ang layo ng Big Box Mall sa Orchard St. kung nasaan ang Lucky Mall na dinadayo ng mga OFW sa Singapore.
Ito ang tanong ng mga volunteer groups at maging ng ibang organizer at mga taong involved sa event -- sino ang nag-leak sa mga kababayan natin tungkol sa Lucky Mall na hindi naman totoo?
Sino?
Tingin ng karamihan sa mga OFW na nakausap ko -- sinabotahe nga raw ang event.
- Latest